CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang labing-anim na indibidwal na sangkot sa iligal na droga sa magkakahiwalay na buy-bust operations na isinagawa ng mga operatiba ng Bulacan PPO nitong Miyerkules (Abril 15) at Huwebes (Abril 16).
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Leonard M. Lim, Hepe ng Hagonoy MPS, tatlong indibidwal ang naaresto ng mga operatiba ng Hagonoy Municipal Police Station sa isinagawang buy-bust operation laban sa iligal na droga sa Brgy. San Isidro, Hagonoy, Bulacan, bandang 10:30 ng gabi noong miyerkules.
Sa isinagawang operasyon ng Station Drug Enforcement Unit ng Hagonoy MPS, nakumpiska mula sa mga suspek ang humigit-kumulang 13.70 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P93,160.00, kasama ang buy-bust money, isang Hyundai Starex Van (Model 2003) na may plakang XLZ 678 na ginagamit umano ng mga suspek sa kanilang aktibidad.
Samantala, ayon sa ulat na isinumite ng mga Chief of Police ng Malolos CPS, Pandi, Plaridel, Norzagaray, Marilao, Santa Maria, Hagonoy, Guiguinto, at Angat MPS, magkahiwalay na drug-bust operations na isinagawa ng kani-kanilang Station Drug Enforcement Units na nagresulta sa pagkakaaresto ng 13 na drug pushers at pagkakasabat ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 20.15 gramo at halagang P137,020.00, kasama ang buy-bust money.
Ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa Bulacan Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri, habang inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na isasampa laban sa mga suspek. (UnliNews Online)

