CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Tatlong hinihinalang mga nagbebenta ng iligal na droga sa bayan ng Hagonoy ang nasakote ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa isang buy-bust operation nung Miyerkules ng gabi (April 15) sa Brgy. San Isidro.
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Leonard Lim, Hepe ng Hagonoy MPS, bandang alas-10:30 ng gabi ng madakip ang tatlong suspek na pawang mga residente ng Tondo, Manila
Nasamsam mula sa mga suspek ang humigit-kumulang 13.70 grams ng hinihinalang shabu na may tinatayang street value na P93,160.00, kasama ang P500 buy-bust money. Narekober din ang isang Hyundai Starex van (2003 model) na pinaniniwalaang gamit sa kanilang illegal na aktibidad.
Dinala ang mga naarestong suspek at mga ebidensya sa Hagonoy MPS para sa proper documentation at disposition. Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa kanila.
Ayon kay P/Lt. Col. Lim: “Hindi po kami titigil sa laban kontra ilegal na droga. Ang operasyong ito ay patunay na seryoso ang kapulisan sa pagpapanatili ng kaligtasan ng ating komunidad. Sa tulong ng bawat mamamayan, mas mapapalakas pa natin ang laban na ito.”
Patuloy namang hinihikayat ng Hagonoy Police ang publiko na makiisa at agad mag-report ng anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad. (UnliNews Online)

