CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang tatlong tulak ng iligal na droga matapos ang isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Plaridel Municipal Police Station (MPS) sa Brgy. Parulan, Plaridel, Bulacan nu’ng Sabado ng madaling araw (Abril 18).
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Restituto E. Granil, acting Chief of Police ng Plaridel MPS, naganap ang operasyon bandang 12:15 ng madaling araw sa nabanggit na barangay.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alias “Popol,” 30 taong gulang, residente ng Brgy. Parulan; alias “PK,” 38 taong gulang, residente ng Brgy. Poblacion, pawang sa Plaridel; at alias “Monmon,” 33 taong gulang, residente ng Brgy. Masuso, Pandi, Bulacan.
Sa isinagawang operasyon, nahuli ang mga suspek matapos magbenta ng 1 heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa isang police poseur-buyer kapalit ng buy-bust money.
Matapos ang kanilang pagkakaaresto, nakumpiska pa mula sa kanila ang tatlong karagdagang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang tinatayang timbang na humigit-kumulang 3.7 gramo at may Standard Drug Price na P25,160.00.
Bukod dito, narekober din mula sa mga suspek ang isang Cal. .38 revolver na walang serial number na naglalaman ng dalawang 2 bala, pati na ang isang itim na sling bag. Ang imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya ay isinagawa sa presensya ng kinatawan mula sa National Prosecution Service, media, at barangay official alinsunod sa umiiral na alituntunin.
kasalukuyang nasa kustodiya ng Plaridel MPS para sa kaukulang dokumentasyon. Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa laboratory at ballistic examination.
Inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26 ng Republic Act 9165 at paglabag sa Republic Act 10591 laban sa mga naarestong suspek sa Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos City, Bulacan. (UnliNews Online)

