CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Naaresto ng San Rafael Municipal Police Station (MPS) ang 4 na katao na mga suspek sa isang carnapping incident sa isinagawang hot pursuit operation noong Sabado (Mayo 9).
Camp General Alejo S Santos, Malolos City, Bulacan — Mabilis na naresolba ng San Rafael Municipal Police Station (MPS) ang insidente ng carnapping na naitala sa Brgy. Capihan, San Rafael, Bulacan matapos maaresto ang apat (4) na suspek at mabawi ang tinangay na motorsiklo sa isinagawang hot pursuit operation noong Mayo 9, 2026.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Protom E. Guevarra, Acting Chief of Police ng San Rafael MPS, natuklasan ng biktimang si alias Vince, residente ng Brgy. Capihan, San Rafael, Bulacan, na nawawala ang kanyang kulay asul na Yamaha Mio Amore bandang alas-7 ng umaga noong Mayo 7, 2026. Lumalabas sa imbestigasyon na iniwang nakaparada ng biktima ang kanyang motorsiklo sa tapat ng kanilang bahay noong gabi ng Mayo 6, 2026.
Base sa nakuhang CCTV footage, namataan ang isang lalaki na nakasuot ng itim na t-shirt, black/gray na shorts at itim na sumbrero na pagala-gala sa lugar bandang alas-4 ng madaling araw bago tangayin ang motorsiklo patungong Brgy. Sabang, Baliuag City, Bulacan.
Dahil dito, agad na naglunsad ng hot pursuit operation ang San Rafael MPS at nagsagawa ng masusing backtracking at intelligence monitoring na nagresulta sa pagkakaaresto kina alias JM, alias Anton at alias Alvin.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, natukoy ng mga operatiba na isinangla umano ni alias Alvin ang ninakaw na motorsiklo kay alias Nard, residente ng Brgy. San Jose, San Luis, Pampanga. Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang San Rafael MPS na nagresulta sa pagkakaaresto nito at pagkakabawi sa tinangay na motorsiklo.
Ang mga naarestong suspek at mga nakuhang ebidensya ay dinala sa San Rafael MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong Carnapping at paglabag sa Anti-Fencing Law sa Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos City, Bulacan. (UnliNews)

