CAMP GEN. FRANCISCO S. MACABULOS, Tarlac City — Matagumpay na naaresto ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit (PIU), Tarlac PPO ang suspek na 24 taong gulang na lalaki, lider ng Gang-Emerging Threat Group,” noong Martes ng madaling-araw (May 12) sa Tarlac City.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591, RA 9516, at Attempted Homicide matapos umanong magpaputok ng baril laban sa mga operatiba habang nagsasagawa ng follow-up operation kaugnay ng robbery hold-up incident sa Brgy. Ligtasan, Tarlac City.
Matapos ang habulan, naaresto ang supek habang nakatakas naman ang kanyang kasamahan. Nakumpiska mula sa suspek ang isang caliber .38 revolver na may mga bala at fired cartridge, isang hand grenade, wallet ng biktima na may lamang pera, at isang puting Honda Click motorcycle.
Ayon kay P/Col. Joel L. Mendoza, Provincial Director, patuloy ang pinaigting na operasyon ng Tarlac PPO laban sa mga kriminal at organized crime groups upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan. (UnliNews Online)

