LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Dalawang nakaparadang Sports Utility Vehicle ang nagliyab sa harap ng isang convenience store sa bayan ng Florida noong Huwebes (May 14).
Base sa ulat na nakarating kay Col. Eugene Marcelo, Pampanga Police Director, ang dalawang sasakyang sangkot ay isang Hyundai Sta Fe na pagmamay-ari ni Gibbs Bestoton at isang Toyota Fortuner na may plakang TQM 752 na pagmamay-ari ni Jerome Calixto na parehong empleyado ng National Commission of Indigenous People.
Ayon sa imbestigasyon, nagsimulang umusok at magliyab ang isang sasakyan habang nakaparada, bago tuluyang kumalat ang apoy sa isa pang sasakyan at sa harapan ng convenience store.
Dumating ang dalawang sasakyan sa parking lot ng convenience store sa P-4 Barangay Bodega, bayan ng Florida bandang alas-8:00 ng umaga at pansamantalang iniwan doon ng mga drayber nito na nagtungo sa bulubunduking lugar ng Batchiawan, Subic, Zambales para sa isang inspeksyon.
Bandang alas-10:47 ng umaga, nakita ang usok na lumalabas sa loob ng Hyundai Sta Fe hanggang sa ito ay nagliyab at nilamon ang katabing Toyota Fortuner na nagdulot din ng ilang pinsala sa convenience store.
Walang naiulat na nasaktan, habang patuloy pang iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection ang sanhi ng sunog.
Nakipagkasundo ang mga may-ari ng dalawang sasakyan sa pamunuan ng convenience store na sagutin ang mga pinsalang dulot ng sunog sa establisyimento. (UnliNews Online)

