Ni RONALYN CRUZ
MALOLOS CITY, BULACAN– Itinanghal na kampeon ang Team ng Santa Maria (Seniors Division) matapos tambakan ang Team ng Malolos Republic, 87-62, sa championship game ng ACBL Makata Cup Basketball League na ginanap noong Linggo ng gabi (May 17) sa Capitol Gym.
Pinangunahan mismo ni Vice Governor Alex Castro ang awarding ceremony bilang pagkilala sa matagumpay na pagtatapos ng liga.
Mula umpisa hanggang dulo, ipinamalas ng team ng Santa Maria ang mas agresibong opensa at matibay na depensa na naging susi sa kanilang malawak na bentahe laban sa Malolos Republic. Hindi na nakabawi ang kalabang koponan at tuluyang sinelyuhan ng Santa Maria ang titulo. Sa kabilang banda, ang tansong medalya ay nasungkit ng Hagonoy.
Sina Jervie Glorioso at Jomar Santos ng One Santa Maria ang itinanghal na Season at Finals MVP, ayon sa pagkakabanggit, habang sina Nad Mallari (San Ildefonso), Kenneth Santiago (Lungsod ng Malolos Republic), at Angelus Raymundo (Hagonoy) ay pinangalanang isa sa Legends Mythical 5.
Pinasalamatan ni Vice Governor Alexis C. Castro, ang ideya ng ACBL Makata Cup, ang lahat ng sumuporta sa liga ngayong taon, kabilang ang mga nagtatrabaho sa likod ng spotlight. Ipinahayag din niya ang kanyang pasasalamat sa mga munisipalidad at lungsod na patuloy na nagbibigay ng 100 porsyentong pakikilahok mula noong unang season.
“Maraming salamat sa lahat ng mga bayan na sumali. Nakakatuwa kasi lahat ay sumali [mula] sa Juniors, Seniors, hanggang sa Legends. At hindi lang iyon, nagpapasalamat ako sa lahat ng nanonood, sa lahat ng naging parte ng ACBL Makata Cup. Na kahit alam nating hindi nawawala ang pressure sa laro ng basketball, natapos natin ito nang maayos,” Castro said.
Dumalo rin sa okasyon ang mga opisyal, manlalaro, at mga supporters na sumaksi sa pagtatapos ng isang matagumpay na season ng liga.
Ayon sa organizers, layunin ng ACBL Makata Cup na bigyang-daan ang mga lokal na manlalaro na maipakita ang kanilang talento at palakasin ang sportsmanship sa lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

