Monday, August 31, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsDPWH inilatag ang agaran, pangmatagalang solusyon sa baha sa Paombong, Hagonoy

DPWH inilatag ang agaran, pangmatagalang solusyon sa baha sa Paombong, Hagonoy

HAGONOY, Bulacan (PIA) — Sinadya ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang mga latian sa Paombong at Hagonoy, bilang bahagi ng paghahanda sa implementasyon ng mga agaran at pangmatagalang proyektong kontra-baha.

Anim na oras na sinuri ng kalihim ang estado ng mga proyektong kontra-baha o mga flood control projects partikular sa Barangay Masukol, na isang bahagi ng bayan ng Paombong na nasa bukana ng Manila Bay.

Nawasak ang P300 milyong halaga ng ginawang dike na napag-alaman na nakadisenyo na pang ilog lamang.

INILATAG ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon ang mga agaran at pangmatagalang proyekto upang matuldukan ang matagal nang pagbabaha sa Hagonoy, Bulacan. Sisimulan na sa 2027 ang pagkukumpleto ng mga dike na hindi natapos, nawasak o hindi nagawa. Habang pangmatagalan ang pagkakaroon ng Manila Bay Integrated Flood Control Coastal Defense and Expressway Project at ang pagpapatuloy ng Phase II ng Pampanga Delta Development Project. (DPWH)

Ipinaliwanag ni Secretary Dizon na hindi ito ang uri ng dike na dapat ginawa sa mga lugar na madalas hampasin ng alon ng dagat.

Tiniyak niya kay Mayor Ian Mark Marcos na bukod sa totoong matibay, tamang disenyo ang ipapagawa rito na kayang bumasag sa alon ng dagat at hindi ang alon ang babasag sa kongreto.

Lalagyan din ito ng mga tetrapods na isang four-legged concrete blocks na dinisenyo upang pumigil na gumuho ang isang dike sa pagsalpok ng mga alon.

Hindi na gagastos muli ang pamahalaan para sa rekonstruksiyon ng dike sa Masukol at pati na rin sa Barangay Sta. Cruz dahil pasok pa sa warranty ang proyekto.

Ipinag-utos ng kalihim na gawin nang full-blast ang paggawa rito sa susunod na linggo ngayong nai-deployed na sa lugar ang mga kasangkapan na gagamitin.

Pinaka nagtagal si Secretary Dizon sa kanyang pagbaba sa katabing bayan ng Hagonoy.

Bukod sa pakikipagpulong kay Mayor Ma. Rosario Sy-Alvarado Mendoza, hinarap din niya ang iba’t ibang civil society organizations.

Naging mainam na pagkakataon ito upang detalyadong matalakay at maipaliwanag ang mga agaran at pangmatagalang hakbang para matuldukan na ang matagal na pagbabaha.

Ayon sa kalihim, nasayang P6 bilyong pondo na ibinuhos para sa mga flood control projects na hiwahiwalay na itinayo sa Hagonoy nang walang komprehensibong pagpaplano.

Base sa mapa ng bayan, may hugis na titik U ang dapat na pagtayuan ng dike na aabot sa siyam na kilometro ang haba.

Marami sa mga ito ay hindi natupad na kung naitayo man, ito’y pawang mga nawasak at may butas.

Kaya naman ipaprayoridad aniya sa magiging pondo ng DPWH sa 2027 ang pagkukumpleto ng mga hindi natapos, nawasak at hindi ginawang mga siyam na kilometrong dike na magkukulong sa Hagonoy.

Pipigilin nito ang high tide at mailabas agad ang back-flooding mula Pampanga at Nueva Ecija dahil may ilalagay na mga pumping stations sa inisyal na limang bahagi ng Hagonoy.

Kaugnay nito, iniulat din ni Secretary Dizon na habang tinutugunan ang mga agarang solusyon sa pagbabaha ay inaprubahan na ng Asian Development Bank (ADB) ang pagpopondo sa pagpapatayo ng Manila Bay Integrated Flood Control Coastal Defense and Expressway Project.

Kasalukuyan na ring tinatapos ng ADB itong magiging mega-road dike na magbibigay ng proteksiyon sa high tide sa mga bayan at lungsod sa Metro Manila, Bulacan, Pampanga at Bataan.

Itutuloy na rin ang Phase II ng Pampanga Delta Development Project sa ilalim ng Pampanga River Basin Master Plan.

Nakapaloob dito ang pagpapalalim at pagluluwang ng mga kailugan tulad ng nasa Calumpit at katabi nitong Pampanga.

Ipinahayag naman ni Mayor Mendoza na ang pagbisita ni Secretary Dizon, na sinamahan ni Cabinet Secretary Benhur Abalos, ay nagbibigay ng malaking paggaan ng loob at pag-asa sa mga mamamayan ng Hagonoy na ngayo’y tatlong lingo nang nakalusong sa malalim at matagal na pagbabaha mula nang tumama ang bagyong ‘Maymay’ at Habagat.

Iba pa rito ang araw-araw na pagbaha dahil sa high tide kahit sa katirikan ng araw.

Samantala, inutusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Secretary Abalos na samahan ang pag-ikot ng DPWH sa dalawang bayan upang bukod sa pagresolba sa matagal na pagbabaha, malaman pa mula sa mga pamahalaang bayan at mga mamamayan nito kung anu ano pa ang iba pang pangangailangan na dapat tugunan ng administrasyon. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News