OBANDO, Bulacan — Bilang isa sa mga mababa at flood-prone na lugar sa bansa, binigyang-prayoridad ng pamahalaan ang Obando, Bulacan sa ilalim ng programang “Bawat Bayan Makikinabang” upang direktang maihatid ang suporta at mahahalagang serbisyo sa mga higit na nangangailangan.
Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng mabilis at agarang pagtugon sa mga komunidad na apektado ng pagbaha, kahirapan, at iba pang kalamidad, kabilang ang mga naapektuhan ng sunog sa Navotas Sanitary Landfill.
Sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF), makakatanggap ng tig-10 kilong bigas kada dalawang buwan ang 2,083 benepisyaryo, kabilang ang senior citizens, persons with disabilities, solo parents, jeepney at tricycle drivers, street sweepers, Bantay Dagat volunteers, at Estero Rangers.
Samantala, tumanggap ng tig-PhP200,000 ang 11 barangay sa ilalim ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF) para sa scholarship assistance at iba pang programang pangkomunidad.
Hinimok din ng Pangulo ang mga Bagong Pilipinas Presidential Scholars na pagbutihin ang kanilang pag-aaral bilang paghahanda sa pagiging susunod na henerasyon ng mga lider at katuwang sa patuloy na pag-unlad ng bansa. (UnliNews Online)
Source: PCO

