LUNGSOD NG MALOLOS — Sa ikatlong pagkakataon, muling kinilala ang Bayan ng Pandi sa Environmental Summit 2026 bilang Excellence Awardee for LGU Leadership in Empowering RA 11898 kamakailan.
Sa ilalim ng temang “One Planet, One Future – Advancing Environmental Stewardship,” ang nasabing summit ay nakatuon sa pagsusulong ng responsableng pangangalaga sa kapaligiran.
Ipinakita ng pagkilala ang mga hakbang ng naturang bayan sa pagpapanatili ng kalinisan, wastong waste management, at pangangalaga sa kapaligiran.
Binigyang-diin din ang ambag ng mga component LGU, environmental leaders, partner organizations, institutions, at mga komunidad sa pagpapatupad ng mga programang pangkalikasan.
Ayon kay Mayor Enrico Roque, mas naging espesyal ang pagkilalang ito dahil tatlong taon na nating natatanggap ang parangal na ito mula 2024 hanggang ngayong 2026.
“Patunay ito ng ating patuloy na pagsisikap para sa pangangalaga ng kalikasan, sa pangunguna ng ating MENRO Pandi,” ani alkalde.
Dagdag pa ni Roque, “patuloy nating isusulong ang mga programa para sa mas malinis, mas luntian, at mas maayos na Bayan ng Pandi.”
Pagtatapos ng alkalde, “Maraming salamat po sa buong Pamahalaang Bayan at sa bawat Pandieño na patuloy na nakikiisa sa ating layunin.” (UnliNews Online)

