LUNGSOD NG MALOLOS — Kaugnay ng mas pinaigting na inisyatiba para sa pagtugon at kahandaan sa mga sakuna, inarmahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng mga karagdagang kagamitan sa pag-rescue upang mas mapalawig pa ang kanilang operasyon sa pagtugon sa mga emergency sa probinsiya.
Pinangunahan ni Rev. Msgr. Pablo S. Legaspi, Jr., kasama sina Local DRRM Officer Manuel M. Lukban, Jr. at Gobernador Daniel R. Fernando ang pagbabasbas sa Collapsed Structure Search and Rescue Equipment, Fire Suppression Equipment, Chemical, Biological, Radiological, at Nuclear Equipment, at dalawang ambulansiya kasabay ng Lingguhang Pagtataas ng Watawat noong Lunes (July 6) sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito.

Nagkaloob naman ng PDRRMO ng 8,000 na kopya ng disaster preparedness handbook na “Kaalaman at Kahandaan ay Katatagan sa Kalamidad (K4)” sa mga educational district ng DepEd Schools Division of Bulacan upang mas mapalakas ang kahandaan ng sektor ng edukasyon sa panahon ng kalamidad at sakuna.
Binuksan din ni Lukban ang selebrasyon ng National Disaster Resilience Month ngayong taon na may temang “Naghahanda at Kumikilos Tungo sa Panatag na Bagong Pilipinas.” Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng malakas na koordinasyon sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan at mga tao bilang paghahanda sa mga posibleng idulot ng mga bagyo at lindol.
Matatandaan na ipinag-utos ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa mga response at preparedness agency sa lalawigan na mas paigtingin ang kanilang earthquake readiness measures sa gitna ng paghahanda ng bansa sa potensiyal na epekto ng “The Big One” o ang projected worst-case scenario earthquake na may 7.2 na magnitude.
Nauna ng naiprisinta ng PDRRMO ang kanilang mga plano at paghahanda hinggil dito sa 2nd Quarter Joint Meeting of Provincial Peace and Order Council, Provincial Anti-Drug Abuse Council and Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict noong Hunyo.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Fernando ang mga Bulakenyo na palaging maging handa sakaling magkaroon ng mga emergency at binigyang-diin ang importansiya ng pamilya sa panahon ng kalamidad.
“Kaya naman mga minamahal kong Bulakenyo, maging doble ingat po tayo palagi lalo na sa panahon ng kalamidad. Sobrang halaga ng bawat buhay natin, mas piliin nating unahin ang ating kaligtasan, lalo na ng ating pamilya. Kaya naman maging handa tayo palagi,” aniya. (UnliNews Online)

