Wednesday, September 2, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNews14th BUFFEX, itinampok ang mga lasang Bulakenyo, handa nang makilala sa buong...

14th BUFFEX, itinampok ang mga lasang Bulakenyo, handa nang makilala sa buong mundo

LUNGSOD NG MALOLOS — Tampok ang mga lokal na negosyante, mga delicacy, at ang matingkad na kultura ng lalawigan, opisyal nang binuksan ngayong araw ang limang araw na Bulacan Food Fair and Exposition (BUFFEX) 2026 sa Hiyas ng Bulacan Convention Center mula Agosto 31 hanggang Setyembre 4, 2026 na inorganisa ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan bilang bahagi ng taunang pagdiriwang ng Singkaban Festival na nagtatanghal sa mga Bulakenyong produkto sa bagong merkado.

Sa ika-14 na taon ng BUFFEX 2026 na may temang “Flavors Without Borders: Empowering Bulacan MSMEs, binibigyang-diin nito ang patuloy na pagsisikap na mabigyan ang mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) ng mga oportunidad para sa mas malawak na merkado, inobasyon, pagpapaunlad ng negosyo, at pagsusulong ng mayamang pamanang kulinarya ng Bulacan.

Mahigit sa 69 MSME booths mula sa buong lalawigan ang lumahok sa exhibit ngayong taon kasama ang 11 booths mula sa lokal na pamahalaan, na nagtatampok ng mga produkto mula sa mga munisipalidad ng Balagtas, Bustos, Guiguinto, Paombong, Pulilan, Marilao, Hagonoy, and Calumpit, gayundin sa mga Lungsod ng Malolos, San Jose Del Monte at Meycauayan.

Kasama rin sa BUFFEX 2026 ang mga booth mula sa mga sponsor at katuwang na organisasyon, kabilang ang Big Ben Ecoenergy, Smart Communications, San Miguel Corporation, Kikkoman Philippines / Ynalaia Marketing, JL Leasing and Development Corporation, Freeway Motor Sales of Baliuag Corporation, Northwein Global City, The First Analytical and Technical Cooperative, Ligas Kooperatiba ng Bayan sa Pagpapaunlad, Filinvest Land, Inc., Grab Bulacan, Crown Asia Chemicals Corp., at Bulacan Bloggers.

Sa pagbubukas ng programa, kinilala ni BCCI President Corina Tengco-Bautista ang paglago ng BUFFEX bilang isang institusyon sa Bulacan at patuloy na nagsisilbing mahalagang plataporma para sa pagpapaunlad ng mga MSME, pagpapalawak ng access sa merkado, pagsusulong ng inobasyon, at pagtataguyod ng pamanang kulinarya ng lalawigan.

“We want Bulacan flavors to travel. We want Bulacan brands to grow. We want Bulacan entrepreneurs to reach new markets,” aniya habang binibigyang-diin ang layunin ng BUFFEX na higit pang maipakilala ang mga produkto ng Bulacan sa labas ng lalawigan.

Samantala, pinuri ng keynote speaker na si Ma. Lourdes C. Mediran, Deputy Executive Director ng CITEM, ang katatagan ng mga Bulakenyong MSME at hinikayat silang dalhin ang kanilang mga lokal na produkto sa pandaigdigang merkado sa pamamagitan ng paglahok sa IFEX Philippines 2027.

“CITEM is the premier export promotions arm of the Philippines. Kapag ready na po mag-export, punta na po sa amin through the help of the Provincial and Regional DTI. Mahalagang-mahalaga po ang tulong ng local government,” ani Mediran.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin naman ni Gob. Daniel R. Fernando ang kahalagahan ng pagtiyak na ang mga produkto ng Bulacan ay hindi lamang masarap kundi kayang makipagkumpetensiya sa merkado, may maayos na packaging, competitive pricing, consistency sa kalidad, kaligtasan ng pagkain, legal na pamamaraan ng pagbebenta, at pagpapalawak ng access sa mas maraming pamilihan.

“Ang gusto natin makita sa BUFFEX ay hindi lamang exposition kundi maging education. Hindi lamang display, kundi pati ang development. Hindi lamang negosyo, kundi pati oportunidad. Kaya huwag nating maliitin ang mga maliliit na negosyo, dahil maraming malalaking negosyo ang nagsimula lamang sa maliit na pasilidad,” anang gobernador.

Mula noong 2013, napatunayan na ng BUFFEX ang sarili nito bilang pinakamalaking taunang food event sa Bulacan, na aktibong nagsusulong sa pag-unlad ng mga lokal na MSME habang nagbubukas ng mahahalagang oportunidad sa negosyo at malaking kita para sa mga exhibitor nito sa paglipas ng mga taon.

Dinaluhan din panimulang programa nina Bise Gob. Alexis C. Castro, mga miyembro ng BCCI Board of Trustees, mahahalagang panauhin, pati na rin ng mga pinuno at kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News