LUNGSOD NG MANDALUYONG — “Ang ginagawang bagong airport o paliparan sa bayan ng Bulakan, Bulacan ay hindi isang reklamasyon kundi proyekto ng land development”.
Ito ang iginiit ni Ramon S. Ang, presidente at chief executive officer ng San Miguel Corp. (SMC), at ang namamahala sa pagtatayo ng New Manila International Airport sa Barangay Taliptip at Bambang sa Bulakan..
Sa isang press conference na ginanap kaharap ang mga Bulacan-based media practitioners, sinabi ni Ang na ang lupang pagtatayuan ng naturang modernong airport ay umiiral na at isang tituladong lupa o dating lupa, na sa loob ng maraming taon ay unti-unting lumubog sa tubig at ganap na ginawang mga palaisdaan.
Sinabi ni Ang na hindi dapat ibunton ang sisi sa ginagawang airport ang pagbaha sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga kundi sa mga tubig na nanggagaling sa upstream ng mga naturang lalawigan na dumadaloy sa kanilang mga mabababaw na baradong kailugan sa kanilang nasasakupan na nagdudulot ng pagbaha.
Ayon naman kay Jimmy Lu, VP, overall Mr. Jimmy O. Lu, VP and Overall Project Manager of SMC’s Better Rivers PH initiative, ang naturang lupain na lokasyon sa kasalukuyang ginagawang airport ay makikita umano sa Google Earth.
“Ito basehan na dating residential area o isang lupain na sa hindi malamang kadahilanan ay naging mga fishpond,” dagdag pa Lu.
Nagpakita rin ng actual video ang SMC kung paano nila ginagawa ang paghuhukay ng mga kailugan na nakapaligid sa ginagawang airport upang mapabilis ang daloy ng tubig palabas ng Manila Bay.
Ang nasabing mga video prsentation ay ginawa para pabulaanan ang mga lumalabas na mga pahayag lalo sa social media na ang lugar ay isang reclamation project.
Sa kabilang banda, naniniwala si Ang na ang kanyang mga kalaban sa negosyo ang maaari o may posibilidad na nasa likod ng black propaganda sa socmed.
Bunsod nito ay inanunsyo ni Ang na magbibigay siya ng P1 milyong pabuya sa sinumang makakapagtukoy sa tao o mga taong nagkakalat ng maling impormasyon sa social media tungkol sa pagtatayo ng airport.
“Kung sinuman sa inyo ang makakapagtukoy kung sino ang ‘Juan Dela Cruz’na naninira ay magbibigay ako ng isang milyong pabuya at magsasampa ng kaso, dahil isa itong cybercrime,” sabi ni Ang.
Hinamon din ni Ang ang mga kritikong ito na humarap at magpakilala upang makapagpaliwanag sila nang harapan tungkol sa mga kritisismo hinggil sa nasabing airport.
May ilang grupo ang naiulat na nagpoprotesta laban sa pagtatayo ng Bulacan Airport, na inaangkin na ang nasabing proyekto ay siyang nagdudulot umano ng matinding pagbaha sa lalawigan at mga kalapit na lugar.
Ang New Manila International Airport ay itinatayo sa isang 2,500-ektaryang lupain na nagkakahalaga ng halos P740 bilyon. Inaasahang makakapag-akomoda ito ng 35 milyong pasahero taun-taon at magiging pinakamalaking paliparan din sa bansa na may kapasidad na 100 milyong pasahero bawat taon. (UnliNews Online)

