CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ng San Rafael Municipal Police Station ang 2 katao na kapwa nasa drug watch list sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Ulingao, San Rafael, Bulacan noong Miyerkules ng umaga (July 22).
Batay sa ulat ni p/Lt. Col. Lawrence Gerald A. Bathan, Hepe ng San Rafael PNP, kinilala ang mga suspek na sina Alyas JL, 22 taong gulang na driver, at Alyas Ron, 18 taong gulang na truck helper, kapwa residente ng Brgy. Bata, Bocaue, Bulacan.
Ang operasyon ay isinagawa ng Station Drug Enforcement Team ng San Rafael MPS kung saan nahuli ang mga suspek matapos magbenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa isang poseur-buyer kapalit ang buy-bust money.
Nasamsam sa naturang buy-bust operation ang 5 plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, at isang kalibre .38 revolver na walang serial number o trademark na may lamang 3 live ammunition at buy-bust money. Tinatayang may kabuuang bigat na 1gramo ang nakumpiskang hinihinalang shabu na may halagang humigit-kumulang P6,800.00.
Dinala ang mga suspek at ang mga nakuhang ebidensya sa San Rafael MPS para sa kaukulang dokumentasyon, masusing imbestigasyon, at pagsasampa ng mga kaukulang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Pinuri ni P/Col. Jay B. Baybayan, acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, ang matagumpay na operasyon ng mga operatiba at muling tiniyak ang walang humpay na kampanya ng Bulacan PPO laban sa ilegal na droga at iligal na pag-iingat ng mga baril.
“Patuloy nating paiigtingin ang ating kampanya laban sa ilegal na droga at iba pang uri ng kriminalidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng ating mga komunidad. Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng ating matatag na koordinasyon at dedikasyon sa pagpapatupad ng batas. Hinihikayat namin ang publiko na patuloy na makiisa at agad na iulat sa kapulisan ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar,” ani Col. Baybayan. (UnliNews Online)

