Monday, September 7, 2026
Amana Water Park
HomeNational NewsWater Collection System at dagdag pumping stations, target ipagawa sa NLEX

Water Collection System at dagdag pumping stations, target ipagawa sa NLEX

LUNGSOD NG MEYCAUAYAN, Bulacan (PIA) — Magpapatayo ng karagdagang mga pumping stations at water collection system sa mga istratehikong lugar sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX). Ito ang magiging pangmatagalang tugon ng NLEX Corporation upang hindi na maulit muli ang paglubog sa baha ng ilang bahagi ng expressway partikular sa Tulaoc, San Simon, Pampanga.

Sa panayam ng Balitang PIA sa Radyo Bandera 90.3 FM, ipinaliwanag ni NLEX Corporation Assistant Vice President for Traffic Operations Robin Ignacio, na napatunayang mabisa ang pagkakaroon ng mga pumping stations upang mabilis na mawala ang pagbabaha tulad ng nangyari sa Balintawak Cloverleaf sa hangganan ng mga lungsod Quezon at Caloocan. Gayundin ang paggana ng katulad na pasilidad sa ibaba ng Valenzuela interchange kaya’t kahit bumaha, agad na naalis ang tubig makalipas lamang ng ilang oras.

Mabilis din aniyang naagapan na umapaw ang tubig sa Meycauayan river at sa Marilao-Meycauayan-Obando River System (MMORS), at mas makakatiyak na hindi bumaha nang malalim sa bahaging ito ng NLEX kung magkakaroon na karagdagang mga pumping stations.

Para naman sa bahagi ng NLEX sa Tulaoc na sakop ng San Simon, Pampanga, kinokonsidera na ang pagpapagawa ng water collection facility na magsisilbing imbakan ng tubig sa panahon na may malalakas na pag-ulan. Pakakawalan ang naipong tubig sa panahon na mababa na ang lebel ng tubig sa kalapit na mga sapa.

Matatandaan na noong 2023 na nagkaroon din ng habagat, nalubog din sa malalim na pagbabaha ang bahaging ito ng NLEX sa Tulaoc. Kaya’t ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang agarang pagtataas ng Tulaoc overpass. Ito ang tulay na tumatawid sa ibabaw ng NLEX at nagsisilbing tawiran ng mga sasakyan mula sa panulukan ng Manila North Road o Mac Arthur Highway sa hangganan ng San Simon at Apalit patungo sa gawi ng Mexico.

Dati itong may taas lamang na 4.5 meters na vertical clearance kaya’t limitado noon ang maaaring itaas na lebel ng kalsada ng NLEX sa bahagi ng Tulaoc. Nauna nang itinaas ng NLEX Corporation ang lebel ng kalsada sa bahaging ito ng expressway sa taas na 0.7 meter.

Ngayong naitaas na ng DPWH ang Tulaoc overpass sa 5.2 meters na vertical clearance, magbubunsod ito sa pagkukumpleto na maiangat ang roadway ng NLEX sa Tulaoc sa 0.3 meters pa upang ganap na maging isang metro. Kritikal ang bahaging ito ng NLEX dahil ito ang nagsisilbing mabilis na daan patungo sa ibang bahagi ng gitna at sa hilagang Luzon gayundin paluwas pabalik sa Metro Manila.

Kaugnay nito, ipinahayag ni DPWH Secretary Vince Dizon sa kanyang inspeksiyon sa stiwasyon ng pagbabaha sa Tulaoc at ilalim ng San Simon interchange ng NLEX, na tutulong ang ahensiya sa pamamagitan ng pagpapagawa ng retaining wall sa bahaging ito ng expressway na binabaha. Ito’y upang makatulong sa mga planong pasilidad na ipapagawa sa paligid nito gaya ng water collection system at ng karagdagang mga pumping stations. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News