CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Nasakote ng mga operatiba ng Pulilan Municipal Police Station (MPS) ang dalawang indibidwal sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation nu’ng Miyerkules ng gabi (Aug. 12) sa Brgy. Balatong B, Pulilan, Bulacan.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Eric C. Cister, Chief of Police ng Pulilan MPS, kinilala ang mga naarestong suspek na sina alias “Jessie,” 52 taong gulang, at alias “Ann,” 30 taong gulang, kapwa residente ng Candaba, Pampanga. kung saan nahuli ang dalawang suspek habang nagbebenta ng iligal na droga sa police undercover kapalit ng isang marked money.
Sa isinagawang operasyon, nakumpiska mula sa mga suspek ang 3 small-size heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng puting crystalline substance na hinihinalang shabu, kabilang ang buy-bust item, na may tinatayang kabuuang timbang na 5.78 gramo at Standard Drug Price na P39,304.00.
Nakumpiska rin ang isang Caliber .38 revolver na may 2 serviceable ammunition, ang ginamit na marked buy-bust money, at isang brown coin purse.
Ang mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Pulilan MPS para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon. Isasailalim ang mga nakumpiskang hinihinalang shabu sa drug testing at laboratory examination sa Bulacan Provincial Forensic Unit.
Inihahanda naman ang kaukulang criminal complaint para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (UnliNews Online)

