LUNGSOD NG MALOLOS — Binigyang-pugay ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga doktor, nars, medical technologist at iba pang kawani ng Bulacan Medical Center (BMC) bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon at sakripisyo sa paglilingkod sa mga Bulakenyo sa pagdiriwang ng ika-95 anibersaryo ng ospital.
Ginanap ang pagdiriwang na may temang “Honoring Our Past, Strengthening Our Today, Building a Healthier Tomorrow” sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito kamakailan.
Sa kanyang mensahe sa thanksgiving program, kinilala ni Fernando ang mga hamong kinakaharap ng mga kawani ng BMC, kabilang ang patuloy na pagdami ng mga pasyente, mahahabang oras ng duty, at mabigat na responsibilidad na magligtas ng mga buhay at hinikayat ang mga ito na patuloy na maglingkod sa publiko, habang binigyang-diin na mahalaga ang kanilang kaalaman, kasanayan, at malasakit sa pagpapatatag ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa lalawigan.
“Mahirap maging doktor, mahirap maging nurse dahil buhay ang inyong sinasagip. Congratulations sa inyong lahat, at huwag po kayong magsasawa magserbisyo sa ating mga kababayan dahil kailangan po kayo ng ating lalawigan,” ani Fernando.
Kinilala rin ng gobernador ang mga puna at hinaing na inihahayag ng mga pasyente, kung saan kaniyang binigyang-pansin na napakaraming Bulakenyo ang dumedepende sa abot-kayang pampublikong serbisyong medikal ng BMC. Ibinahagi rin niya na personal siyang nakikipag-ugnayan sa mga healthcare worker ukol sa mga naiuulat na usapin at negatibong feedback, na nagpapatunay sa pangako ng Pamahalaang Panlalawigan na tugunan ang mga suliranin at itaas ang kalidad ng pangangalaga sa mga pasyente.
“Sa halip na pasasalamat, ang madalas nating naririnig ay ang mga puna sa BMC—mga kakulangang kinikilala natin at patuloy na pinagsisikapang isaayos. Ngunit may isa pang kuwento ang ospital na ito na nararapat ding marinig: ang kuwento ng mga buhay na nasagip, ng mga pamilyang nakauwi nang may panibagong pag-asa,” ani Fernando, na binigyang-diin ang mahahalagang ambag ng mga kawani ng ospital na madalas ay hindi nabibigyang-pansin.
Sa limang taon na lamang na natitira bago maabot ang ika-100 anibersaryo nito, binalikan din ni Fernando ang mga pagsubok na hinarap ng Pamahalaang Panlalawigan noong kanyang unang termino, partikular ang pagsisimula ng pandemya ng COVID-19 noong 2020, na inilarawan niya bilang isa sa pinakamahihirap na pagsubok sa kanyang panunungkulan bilang gobernador.
Nagsimula ang pangarap na magkaroon ng panlalawigang ospital para sa Bulacan noong 1918, sa panahon ng panunungkulan ni Gobernador Nicolas B. Buendia, kasabay ng pamana ng pagkakawanggawa ni Padre Gregorio Crisostomo, na inilaan ang kanyang ari-arian para sa kapakanan ng mga Bulakenyo. Sa paglipas ng mga dekada, patuloy na pinalawak ng institusyon ang mga pasilidad at kakayahang medikal nito hanggang sa tuluyan itong naging Bulacan Medical Center noong 2008.
Ang naturang pagdiriwang mula Oktubre 5 hanggang 11 ay kinabibilangan ng community bazaar, wellness clinic para sa mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, mga paligsahan sa bowling at pickleball, at fun run na may 3K, 5K, at 10K na kategorya sa harap ng Kapitolyo ng Bulacan habang dumalo naman sa thanksgiving program sina Bise Gobernador Alexis C. Castro, Panlalawigang Tagapangasiwa Antonia V. Constantino, at BMC Chief of Hospital Dr. Angelito D. Trinidad. (UnliNews Online)

