MABALACAT CITY, Pampanga — Arestado ang dalawang hinihinalang drug personalities matapos masamsam ang tinatayang P408,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Barangay Dau sa nabanggit lungsod, dakong alas-8:05 ng gabi noong Oktubre 26, 2026.
Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Pampanga Police Provincial Office (Pampanga PPO), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 3, at Mabalacat City Police Station bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga.
Nasamsam sa operasyon ang humigit-kumulang 60 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P408,000.00, batay sa standard drug price, at isang kalibre .38 na revolver na walang serial number.
Pinangunahan ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Pampanga PPO ang operasyon, katuwang ang Provincial Intelligence Unit (PIU), PDEA RO3–Pampanga Provincial Office, at Mabalacat City Police Station.
Dinala ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensiya sa tanggapan ng PDEU, Pampanga PPO para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Inihahanda ang mga kaukulang kasong may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Patuloy ang Pampanga PPO sa pagsasagawa ng mga operasyong naglalayong sugpuin ang ilegal na droga at kriminalidad, alinsunod sa batas at sa paggalang sa karapatan ng bawat indibidwal.
Ang mga suspek ay itinuturing na inosente hangga’t hindi napapatunayang nagkasala sa hukuman.
“Walang puwang ang ilegal na droga at ilegal na armas sa Pampanga. Tuloy-tuloy ang aming operasyon upang panagutin ang mga lumalabag sa batas at mapanatiling ligtas ang bawat Kapampangan.” ani P/Col. Ricardo M. David. (UnliNews Online)

