LUNGSOD NG MALOLOS — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang sama-samang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong promote na guro at mga punong-guro sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga sa ilalim ng Expanded Career Progression system noong Huwebes, (Pebrero 19), sa City of San Jose Del Monte Sports Complex, at tiniyak sa sektor ng edukasyon na walang guro sa bansa ang magreretiro na Teacher I lamang.
“Inakala ninyo marahil na magre-retire kayong hindi nakakatikim na ma-promote. Hindi ako papayag na hindi masuklian ang inyong sakripisyo. Kaya gumagawa tayo ng mga hakbang upang marami pang guro ang tumaas ang posisyon, at kagaya ng aking ipinangako: walang sinuman na teacher ang magre-retire na Teacher I,” ani Marcos.
Umabot sa kabuuang 1,991 na mga kawani mula sa mga schools division offices (SDO) ng Angeles City, Baliwag City, Bulacan, San Fernando City, Mabalacat City, Malolos City, Meycauayan City, Pampanga, at San Jose Del Monte City ang naitaas ang ranggo sa pamamagitan ng pambansang pagpapatupad ng Republic Act No. 12288, o ang Career Progression for Public School Teachers and School Leaders Act. Mahigit 800 promosyon naman ang naitala sa mga nabanggit na SDO sa lalawigan.
Ayon kay Department of Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara, ang panunumpang ito sa Central Luzon ang ikatlong mass promotion para sa mga guro ngayong taon, kung saan ang mga guro mula sa Ilocos Region ang unang nanumpa sa mas mataas na posisyon noong nakaraang Enero (789 guro), na sinundan ng National Capital Region sa parehong buwan (2,915 guro).
“Malinaw na pagsasabuhay ito ng prayoridad ng pangulo na palakasin ang ating sistema ng edukasyon sa pamamagitan ng mas matibay na suporta sa ating mga guro,” anang kalihim ng edukasyon. (UnliNews Online)

