CAMP GEN. ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang isang lalaki matapos mahuling nagbebenta ng iligal na droga at makumpiskahan ng hindi lisensyadong baril sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Santa Maria Municipal Police Station (MPS) sa Brgy. Caysio, Santa Maria, Bulacan noong Miyerkules (Mayo 27).
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Mark Louie M. Sigua, Acting Chief of Police ng Santa Maria MPS, nagsagawa ng Anti-Illegal Drug Operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) bandang 8:16 ng gabi na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek na si alias “Paul,” 28 anyos at residente ng Brgy. Caysio, Santa Maria, Bulacan.
Sa isinagawang operasyon, nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang 5.5 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P37,400.00, kabilang ang buy-bust item. Narekober din ang isang caliber .38 revolver na walang serial number, 2 piraso ng live ammunition, 1 itim na pouch, at marked money.
Matapos ang operasyon ay agad na inaresto ang suspek at ipinaalam sa kanya ang kanyang mga karapatang naaayon sa batas. Ang inventory at pagkuha ng litrato sa mga nakumpiskang ebidensya ay isinagawa alinsunod sa Section 21 ng RA 9165, sa harap ng mga kinatawan mula sa media, DOJ, at barangay.
Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Santa Maria MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban sa suspek. (UnliNews Online)

