CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Nasakote ng mga operatiba ng Marilao Municipal Police Station ang Top 1 Most Wanted Person (Regional Level), sa isinagawang manhunt operation sa Sta. Rosa, Laguna kamakailan.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Jordan G. Santiago, Hepe ng Marilao MPS, kinilala ang akusado na si Alyas Tating, 23 taong gulang, at residente ng Deca Homes, Brgy. Abangan Norte, Marilao, Bulacan. Siya ay naaresto sa bisa ng mga warrant of arrest para sa 3 bilang ng kasong Statutory Rape sa ilalim ng Criminal Case Nos. 725-M-2026, 726-M-2026, at 727-M-2026, gayundin ng isang (1) bilang ng Statutory Rape sa ilalim ng Criminal Case No. 4102-M-2025.
Ang mga warrant of arrest ay inilabas ni Hon. Elenita N.E. Macatangay-Alviar, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Third Judicial Region, Branch 121, Meycauayan City, Bulacan. Ang mga nasabing kaso ay may kaukulang utos na Walang Piyansa.
Isinagawa ng Tracker Team ng Marilao MPS ang operasyon sa kahabaan ng Balibago Road, Sta. Rosa, Laguna dakong alas-10:00 ng gabi. Matapos ang kanyang pagkakaaresto, ipinaalam sa akusado ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatan sa wikang kanyang nauunawaan.
Kasalukuyang inihahanda ang mga kinakailangang dokumento para sa wastong disposisyon at turnover ng akusado sa hukuman na nagpalabas ng mga warrant.
Ayon kay P/Col. Jay B. Baybayan, Officer-in-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, ang pagkakaaresto sa isa sa mga pangunahing most wanted person sa rehiyon ay patunay ng mas pinaigting na kampanya ng Bulacan PPO laban sa mga pinaghahanap ng batas. Aniya, magpapatuloy ang masusing manhunt operations ng kapulisan upang matiyak na ang mga indibidwal na may kinahaharap na kaso ay mananagot sa batas at maihatid ang hustisya sa mga biktima. (UnliNews Online)

