CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Malolos City Police Station ang isang most wanted person sa isinagawang warrant of arrest operation sa Brgy. Bulihan, City of Malolos, Bulacan noong Linggo (Hunyo 7).
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Rommel E. Geneblazo, Hepe ng Malolos CPS, kinilala ang naarestong akusado na isang 40-anyos na negosyante at residente ng Brgy. Bulihan, Malolos City. Siya ay naaresto ng Tracker Team ng Malolos CPS sa bisa ng dalawang magkahiwalay na Warrant of Arrest kaugnay ng paglabag sa RA 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016.
Ang unang warrant ay may kaugnayan sa Criminal Case No. R-QZN-22-01770-CR na inisyu ni Hon. Maria Gilda T. Loja-Pangilinan, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 230, Quezon City, na may inirekomendang piyansang Php300,000.00. Ang ikalawang warrant naman ay kaugnay ng Criminal Case No. 22-78476 na inisyu ni Hon. Rey Ranoco Lor, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 138, Antipolo City, Rizal, na may kaparehong inirekomendang piyansang Php300,000.00.
Matapos ang kanyang pagkakaaresto, ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatang konstitusyonal at dinala sa Malolos City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Ayon ky P/Col. Jay B. Baybayan, Officer-In-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, na patuloy na pinaiigting ng Bulacan PPO ang operasyon laban sa mga most wanted person upang matiyak na mananagot sa batas ang mga indibidwal na may kinahaharap na kaso. Dagdag pa niya, ang tagumpay na ito ay patunay ng patuloy na dedikasyon ng kapulisan sa pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

