HINDI matatawaran ang pag-aalala ng isang magulang. Lalo na’t kamakailan lang ay umugong ang balita ng pamamaril sa loob ng isang paaralan sa Tacloban City. Isang insidente na hindi lang nakakakilabot, kundi direktang tumama sa puso ng bawa’t ina at ama sa Malolos.
Agad na kumilos ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pangunguna ni Mayor Christian D. Natividad. Hindi nag atubili. Hindi nagbulag-bulagan. Dahil para sa kanya, ang kaligtasan ng mga estudyante ay hindi dapat ipagpabukas pa.

Kaya naman, unang-una sa buong Lalawigan ng Bulacan, namahagi ang Lungsod ng Malolos ng 120 units ng handheld metal detector sa 54 na pampubliko at pribadong High School at Elementarya sa lungsod.
Layunin nito, na mahadlangan ang sinumang estudyante o bisitang pumasok sa paaralan na may dalang baril, patalim, o anumang nakamamatay na sandata.
Ayon kay Mayor Natividad, ang nangyaring pamamaril ay isang malakas na hudyat sa lahat ng lokal na pamahalaan. “Maging handa at alerto tayo sa posibleng mangyari sa ating mga nasasakupan,” aniya.
Ito ang kauna-unahang pamamahagi ng metal detector sa buong Bulacan. Isang patunay na sa Malolos, ang seguridad ng mga anak natin ang laging nauuna.
Dahil sa huli, walang mas mahalaga pa sa kapayapaan ng loob ng mga magulang habang ang anak ay nasa loob ng paaralan. (UnliNews Online)

