CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Isang 22-anyos na lalaki ang inaresto ng mga otoridad dahil sa iligal na pagdadala ng baril sa isinagawang foot patrol operation bandang 12:30 ng madaling araw noong Monday (June 29) sa Meycauayan Market Mainmart, Brgy. Zamora, City of Meycauayan.
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Melvin M. Florida Jr., Chief of Police ng Meycauayan CPS, kinilala ang naarestong suspek na si alias JM, residente ng Brgy. Perez, City of Meycauayan, Bulacan.
Ayon kay Lt. Col. Florida, habang nagsasagawa ng foot patrol o roving ang kanyang mga tauhan, napansin nilang may nakausling baril sa baywang ng suspek habang ito ay nakahiga sa isang kahoy na upuan.
Nang hingan and suspek ng mga kaukulang dokumento para sa pagmamay-ari at pagdadala ng baril, nabigo siyang magpakita ng anumang legal na papeles kaya agad itong inaresto.
Sa operasyon ay nakumpiska mula sa suspek ang isang Jericho 941 PSL 9mm pistol na may serial number 47302260 at labing-apat na bala ng caliber 9mm. Ang mga nakuhang ebidensya ay isinailalim sa kaukulang dokumentasyon bilang bahagi ng imbestigasyon.
Ang naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Meycauayan City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon. Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban sa suspek. (UnliNews Online)

