CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang 16 na katao sangkot sa iligal na droga habang 30 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit kumulang P248,592.00 at buy-bust money ang nasamsam ng Bulacan police sa magkakahiwalay na buy-bust operation na isinagawa noong Huwebes (Aug. 27).
Base sa ulat ng Meycauayan police, 3 drug suspect ang naaresto sa isinagawang operation laban sa ilegal na droga sa Brgy. Bayugo, Meycauayan City, noong Thursday dakong 4:30 ng madaling-araw. Nakumpiska mula sa suspek ang hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na (7.84) gramo at may halagang P53,312.00 at buy-bust money.
Samantala, ayon sa ulat ng mga hepe ng SJDM, Plaridel, Norzagaray, Bocaue, Balagtas, Calumpit at San Miguel Police Station, 13 pa na indibidwal ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon laban sa ilegal na droga na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 26 sachet ng hinihinalang shabu at 3 sachet ng marijuana na may tinatayang kabuuang halagang P195,280.00 at buy bust money.
Ang lahat ng mga naarestong suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Bilang bahagi ng pinaigting na laban kontra sa ilegal na droga, patuloy ang Bulacan Police Provincial Office sa pagpapatupad ng mga operasyon laban sa mga sangkot dito.
Ayon kay P/Col. Jay B. Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan PPO, ang mga ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga mamamayan sa Bulacan. (UnliNews Online)

