LUNGSOD NG TARLAC (PIA) — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang inspeksyon sa dalawang nasirang tulay sa lungsod ng Tarlac at tiniyak ang agarang pagkilos ng pamahalaan upang maibalik ang access sa mga ito at mabawasan ang epekto ng pagkasira sa mga komunidad at motorista.
Sinuri ng Pangulo nitong Miyerkules (Setyembre 2), ang Aquino at Agana bridges, na kapwa napinsala matapos bumigay ang ilang bahagi ng mga ito dahil sa malakas na agos ng tubig kasunod ng matinding pag-ulan na dala ng Habagat.
Sa Agana Bridge, ipinag-utos ni Marcos ang agarang pagtatayo ng Bailey bridge bilang pansamantalang daanan sa bahaging tinangay ng ilog.
“So right now, ang ginagawa dito ay nagbubuo ng Bailey bridge para itatawid, para makatawid, para ilalagay, para palitan, ‘yung ang kapalit nung section na natanggal, na natangay nung ilog,” pahayag ni Marcos matapos inspeksyunin ang tulay.
Ayon sa Pangulo, inaasahang maitatayo ang Bailey bridge sa loob ng isang linggo upang makatawid ang mga pedestrian, habang target namang mabuksan ito para sa mga magagaang sasakyan sa loob ng dalawang linggo.
“Pero in the beginning, mga light vehicles lang muna ang maaaring tumawid. Siguro ang estimate nila ‘yung mga 10 tons and below. Not more than, so ‘yung hanggang van siguro pupuwede na,” ani Marcos.
Sinabi naman ni Tarlac City Mayor Susan Yap na mahalaga ang mabilis na pagtatayo ng Bailey bridge upang muling maiugnay ang kanlurang bahagi ng lungsod sa sentro nito at mapadali ang pagbiyahe ng mga residente.
“Right now, ang importante, what was crucial is to link our western side to the Poblacion and the Bailey bridge is the fastest. It could be passable already in one week for pedestrian and next would be for light vehicles. Malaking bagay ‘yun to connect yung movement po ng tao natin,” ani Yap.
Nagpasalamat din si Yap kay Marcos sa suporta at maayos na koordinasyon sa pagitan ng lokal at pambansang pamahalaan sa pagtugon sa pinsala sa mga tulay.
Mahalaga ang agarang pagbubukas ng mga tulay dahil kinakailangan pang gumamit ng mga motorista ng alternatibong ruta patungo sa bayan ng Gerona, na ayon sa Pangulo ay mas malayo.
“But we will continue to do everything that we can so that mabuksan na ito at magamit na ito dahil ang alternative route ngayon ay sa hanggang sa Gerona. Gerona pa lang, ang kaisa-isang tulay na natira para alternative route para dito sa Agana at saka sa Aquino Bridge. Napakalayo masyado, kaya minamadali namin, binibilisan namin ang pag-aayos dito,” pahayag niya.
Kasabay ng inspeksyon, inihayag ni Marcos ang paglalaan ng humigit-kumulang P300 milyon mula sa pambansang pamahalaan para sa pagkukumpuni ng dalawang tulay.
Ililipat ang pondo sa lokal na pamahalaan ng lungsod ng Tarlac upang mapabilis ang pagkukumpuni, habang magbibigay ang pambansang pamahalaan ng teknikal na tulong at iba pang kinakailangang suporta.
“So para maging mas mabilis ang trabaho, we will be downloading 300 million pesos to the local government dahil ito ay local bridge. Kaya sila kailangan ang magtatrabaho dito. Siyempre, tutulungan natin, tutulungan sa technical aspects and we’ll help them in every way that we can,” ani Marcos.
“But just so that it is properly funded, it will go through the local government. The 300 million that will come from the national government, ibibigay natin sa local government. And of course, local government and the national government magtutulungan para maging mas mabilis,” dagdag niya.
Sinabi ng Pangulo na maaaring mas matagal ang pagkukumpuni sa Aquino Bridge dahil mas malaki ang pinsala rito.
Noong Biyernes, Agosto 28, bumigay ang Pier 2 ng Aquino Bridge, na nagresulta sa pagguho ng Spans 2 at 3.
Ayon sa paunang pagsusuri ng Department of Public Works and Highways, kinakailangan ang agarang paghihigpit sa access at pagsasagawa ng full Bridge Engineering Inspection upang matukoy ang lawak ng pinsala, kabilang ang kondisyon ng scour, katatagan ng mga natitirang pier, at natitirang load-carrying capacity ng estruktura.
Itinayo noong 1988 at ipinangalan sa dating Gobernador ng Tarlac at Senador na si Benigno “Ninoy” Aquino Jr., ang Aquino Bridge ay isang konkretong tulay na may kabuuang haba na 306.60 metro, binubuo ng 11 spans at may lapad na 9.54 metro.
Iminungkahi rin ang full reconstruction ng Aquino Bridge upang maibalik ang ligtas at maaasahang tawiran, kasama ang downstream groundsill protection upang patatagin ang daluyan ng ilog, mabawasan ang pagguho ng riverbed, at maprotektahan ang pundasyon ng mga pier.
Samantala, ang Agana Bridge, na dating Calero Bridge at ipinangalan sa dating Gobernador ng Tarlac na si Marcelino Agana, ay itinayo noong 1950. Isa itong tulay na bakal na matatagpuan sa kahabaan ng Romulo Highway, na may kabuuang haba na 166.60 metro, pitong spans, at lapad na 9.54 metro para sa dalawang linya ng trapiko.
Noong Sabado, Agosto 29, bumigay ang Pier 4 nito, na nagresulta sa pagguho ng Spans 4 at 5.
Inirekomenda ng paunang inspeksyon ang agarang paghihigpit sa access at pagsusuri sa natitirang bahagi ng estruktura, kabilang ang kondisyon ng scour at katatagan ng mga pier.
Inilarawan ni Marcos na hindi pangkaraniwan ang dami at lakas ng tubig na tumama sa mga tulay.
“But this is unprecedented ang tubig, gaano marami ‘yung tubig. Ngayon lang tayo nakakita nito. This bridge has been standing since — just after the war. So, 70 years old na ito. Wala naman naging problema hanggang ngayon,” ani Marcos.
Ayon sa Pangulo, tinatayang umabot sa 30 hanggang 35 knots ang bilis ng agos ng tubig.
“As you can see, dito, talagang basta tinangay lang ‘yung span, isang span. At the estimate, ang sabi sa akin, the estimate ng takbo ng tubig is 30 to 35 knots ang takbo ng tubig. Kaya napakabilis, kaya napakabigat ng tubig. Kaya ganito ang nangyari,” paliwanag niya.
Para kay Marcos, malinaw na ipinapakita ng insidente ang epekto ng climate change.
“At ito talaga ay maliwanag na maliwanag, ito ang epekto ng climate change. Dahil sa buong karanasan ng Pilipinas, ngayon lang tayo nakatikim ng ganitong klaseng ulan, ganitong klaseng pagbaha dahil nga nagbabago ang panahon dahil nga sa climate change,” pahayag niya.
Tiniyak naman ng Pangulo na magpapatuloy ang pamahalaan sa mga hakbang upang maibalik ang paggamit ng mga tulay sa lalong madaling panahon habang isinasagawa ang kinakailangang permanenteng solusyon sa mga nasirang estruktura. (Rick P. Quiambao)

