CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang 33-anyos na lalaki sa inilatag na Search Warrant ng mga operatiba ng Meycauayan City Police Station at nasamsam ang isang hindi lisensyadong baril at mga bala sa Brgy. Pandayan, Meycauayan City, Bulacan noong Huwebes (July 23).
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Melvin M. Florida, Jr., Hepe ng Meycauayan CPS, nabatid na ang naaresto ay residente ng S. De Vera St., Brgy. Pandayan, Meycauayan City. Nakumpiska mula sa kanyang pag-iingat ang isang kalibre .45 na baril na walang serial number, isang magasin, tatlong bala ng kalibre .45, at isang itim na belt bag
Ang implementasyon ng search warrant No. 100-M-2026 na inisyu ni Hon. Hermenigildo C. Dumlao II, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 81 kaugnay ng paglabag sa Presidential Decree No. 1866, na inamyendahan ng Republic Act No. 8294 at Republic Act No. 10591 o ang batas na nag-uutos ng mas mahigpit na regulasyon sa pagmamay-ari at pag-iingat ng mga baril at bala.
Matapos ang operasyon, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang naaayon sa Konstitusyon at kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Meycauayan CPS para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng nararapat na kaso.
Samantala, muling pinaalalahanan ni P/Col. Jay b. Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, ang publiko na mahigpit na ipinapatupad ng Bulacan PPO ang mga batas laban sa ilegal na pagmamay-ari ng mga baril.
“Patuloy nating paiigtingin ang ating mga operasyon laban sa mga indibidwal na lumalabag sa batas upang matiyak ang kaligtasan at kapayapaan ng ating mga komunidad. Hinihikayat din natin ang publiko na makipagtulungan sa kapulisan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon ukol sa mga ilegal na gawain sa kanilang lugar,” ani Col. Baybayan. (UnliNews Online)

