LUNGSOD NG MALOLOS — Tinanghal na kampeon ang nag-iisang babae sa Class A category na si Eloisa Silverio ng Saksi Ngayon sa katatapos lang na Centro News’ 3rd Invitational Media 9-Ball Tournament noong Hulyo 22-23, 2026 na ginanap sa 923 Billiards sa Vista Mall dito.
Samantala, nanguna si Jojo Perez ng Pilipino Star sa kategoryang Class B kung saan 22 mamamahayag mula sa Metro Manila, Zambales, Pampanga at Bulacan ang nakipagkumpitensya sa double knockout format tournament.
Dahil sa three-ball handicap na 5-7-9, tinalo ni Silverio si Erick Silverio ng Manila Times, 7-2 sa race to 7 championship game.
Nakuha naman ng TMT correspondent ang 1st runner-up prize.

Sa elimination round, natalo si Eloisa Silverio sa kanyang unang laro laban sa Manila Times correspondent na si Erick Silverio at nahulog sa losers bracket. Gayunpaman, tinalo niya ang lahat ng kanyang mga lalaking kalaban isa-isa upang makarating sa finals.
Patungo sa finals, tinalo niya ang freelance veteran journalist na si Joseph Parafina (6-4), ang dating defending champion na si Sam Nielsen ng Super Radyo DZBB (6-3) at ang beteranong radio commentator/columnist na si Archie Jimenez (6-5).
Mula sa kategoryang Class B, umakyat si Silverio sa Class A bilang tanging babaeng manlalaro sa grupo.
Samantala, nasungkit ni Perez ang korona sa Class B matapos talunin si Maverick Marcelo ng Radyo Bandera, 6-5.
Nakuha ni Jeff Tumbado ng Bulgar ang 2nd runner-up honors at si Isagani Navarro ng ABC 5 ang 3rd runner-up prize.
Ang kinoronahang kampeon ay nag-uwi ng tropeo at P10,000 cash, P6,000 para sa 1st runner-up, P4,000 para sa 2nd runner-up at P2,000 para sa 3rd runner-up, kapwa sa Class A at B Division.
Ang paligsahan ay inorganisa ng Centro News, isang online news website o digital news portal at lokal na news print sa Bulacan.
Ipinaabot ng Centro News ang kanilang pasasalamat sa lahat ng mga sponsor sa pangunguna nina Gob. Daniel Fernando, Bise Gob. Alexis Castro at Malolos City Mayor Christian Natividad. (UnliNews Online)

