CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Isang lalaki ang nasawi matapos ang isang insidente ng pamamaril sa loob ng Golden Dragon Building sa 8 Phoenix Road, Brgy. Iba, Meycauayan City, Bulacan, bandang alas-12:20 ng madaling araw noong Linggo (July 26).
Ang sangkot sa insidente na isang security guard ay agad na isinailalim sa kustodiya ng Meycauayan City Police Station para sa kaukulang imbestigasyon.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Melvin M. Florida Jr., Hepe ng Meycauayan CPS, ang biktima na isang forklift operator, ay umano’y nasa ilalim ng impluwensya ng alak nang tangkain nitong pumasok sa gusali.
Dahil sa patakaran ng kumpanya na hindi pinapapasok ang mga empleyadong lasing, pinigilan siya ng security guard. Sa gitna ng komprontasyon, umano’y bumunot ng patalim ang biktima at inatake ang guwardiya habang pilit na binubuksan ang pinto.
Sa kasagsagan ng kanilang pag-aagawan, isang putok ng baril ang narinig na nagresulta sa pagkakatama ng biktima. Agad itong isinugod sa Marymount Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.
Patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Meycauayan City Police Station upang matukoy ang lahat ng detalye at pangyayari sa insidente. Nasa kustodiya na ng pulisya ang security guard habang inihahanda ang kaukulang legal na hakbang batay sa magiging resulta ng imbestigasyon.
Ayon kay P/Col. Jay B. Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, titiyakin ng Bulacan PPO na maisasagawa ang isang patas, masinsinan, at walang kinikilingang imbestigasyon upang mailabas ang buong katotohanan sa insidente. Hinikayat din niya ang publiko na pairalin ang kahinahunan sa anumang sigalot at ipaubaya sa mga awtoridad ang wastong pagresolba sa mga sitwasyong may kinalaman sa batas. (UnliNews Online)

