LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Umabot sa 603 Maloleño mula sa iba’t ibang sektor ang nakatanggap ng tig-P6,000 na TUPAD assistance matapos nilang makumpleto ang sampung araw na trabaho sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program.
Ipinamahagi ang ayuda Martes (Sept. 8) sa Malolos Sports and Convention Center, kung saan kabilang sa mga benepisyaryo ang mga mula sa indigent Muslim community, ambulant vendors, tricycle at jeepney drivers, persons with disabilities (PWDs), solo parents, Persons Deprived of Liberty (PDLs), mangingisda, at mga magsasaka sa lungsod.
Ayon kay CTECO Department Head Marrianne DC. Mendoza, layunin ng programa na mabigyan ng pansamantalang trabaho at financial assistance ang mga manggagawang nangangailangan, partikular ang mga sektor na kabilang sa vulnerable at disadvantaged groups.
Nakiisa rin sa aktibidad si Senior Labor and Employment Officer Melanie L. Nario.
Sa pamamagitan ng TUPAD Program, patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos ang pagbibigay ng trabaho, dagdag-kabuhayan, at suporta sa mga Maloleñong nangangailangan ng agarang tulong. (UnliNews Online)

