CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Dalawang hinihinalang tulak ng iligal na droga ang naaresto ng mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng San Jose Del Monte City Police Station (CPS) sa isinagawang buy-bust operation noong Linggo ng umaga (Agosto 2) sa Towerville, Brgy. Graceville, City of San Jose Del Monte, Bulacan.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Reyson M. Bagain, Chief of Police ng SJDM CPS, isinagawa ang anti-illegal drug operation bandang alas-4 ng umaga na nagresulta sa pagkakaaresto nina alyas “Jay”, 24 taong gulang, at alyas “Baser”, 42 taong gulang, matapos magbenta ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa isang undercover na awtoridad kapalit ng isang marked money.
Sa isinagawang protective search, nakumpiska rin mula sa kanilang posesyon ang marked money, isa pang sachet ng hinihinalang shabu, isang caliber .45 pistol na walang serial number, isang magazine, at tatlong piraso ng live ammunition ng caliber .45. Tinatayang may kabuuang timbang na limang gramo ang nakumpiskang hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na P34,000.00.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Article II, Sections 5, 11 at 26 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa pahayag ni P/Col. Jay B. Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, muling pinagtibay ang patuloy na pagpapaigting ng kampanya ng Bulacan PPO laban sa ilegal na droga at ilegal na pag-iingat ng mga baril. Aniya, mananatiling agresibo ang kapulisan sa pagsasagawa ng mga operasyon upang mapanagot ang mga lumalabag sa batas at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

