Wednesday, August 5, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsBulacan Dreamers, kakatawanin ang Asia-Pacific Region sa 2026 Senior League Softball World...

Bulacan Dreamers, kakatawanin ang Asia-Pacific Region sa 2026 Senior League Softball World Series sa USA

LUNGSOD NG MALOLOS — Nakahandang katawanin ang Pilipinas at ang buong Asia-Pacific Region nang Bulacan Dreamers Women’s Softball Team na kasalukuyang nasa Sussex County, Delaware, USA na para sa 2026 Senior League Softball World Series na gaganapin mula Agosto 3 hanggang 9.

Buong-pusong sinuportahan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga batang atleta, habang pinalalakas ang kanilang loob na dalhin ang pag-asa at dangal ng sambayanang Pilipino sa pandaigdigang entablado.

“Nakagagalak pong isipin na kasabay ng pamamayagpag ng ating mga ipinagmamalaking atleta tulad nina Alex Eala, EJ Obiena, Carlos Yulo, Manny Pacquiao, at marami pang iba, ay sumasabay dito ang mga batang atleta na nagmula sa dakilang Lalawigan ng Bulacan. Pabaon ko po sa kanila ang aking buong paniniwala na iwawagayway nila ang bandila ng Pilipinas sa buong mundo,” anang gobernador.

Hinimok din niya ang lahat ng Pilipino na magkaisa sa panalangin para sa kaligtasan at tagumpay ng koponan, habang ipinaglalaban nila ang kanilang pangarap na maging kampeon sa buong mundo.

Sa ngalan ng gobernador, nagsilbi si Panlalawigang Tagapangasiwa Antonia V. Constantino bilang puno ng delegasyon.

Lalaban ang Bulacan Dreamers sa East Region sa Agosto 4, 8:00 ng gabi (ET) o Agosto 5, 8:00 ng umaga (PST); laban sa Latin America Region sa Agosto 5, 5:00 ng hapon (ET) o Agosto 6, 5:00 ng umaga (PST); laban sa Southwest Region sa Agosto 5, 8:00 ng gabi (ET) o Agosto 6, 8:00 ng umaga (PST); at Delaware D3 Region sa Agosto 6, 2:00 ng hapon (ET) o Agosto 7, 2:00 ng umaga (PST).

Para masiguro ang puwesto sa susunod na yugto ng torneo, kailangang makapasok ang koponan sa top four seeds sa kanilang bracket.

Nagwagi ang Bulacan Dreamers Softball Team sa 2026 Little League Asia-Pacific and Middle East Tournament na ginanap sa Bogor West Java, Indonesia noong Hunyo 16 hanggang 24, kaya naman pormal na silang nakapasok sa pandaigdigang kumpetisyon. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News