Saturday, November 2, 2024
Amana Water Park
HomeBulacan UnliNewsIkatlong Malasakit Center sa Bulacan, binuksan sa Ospital ng Lungsod ng San...

Ikatlong Malasakit Center sa Bulacan, binuksan sa Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte

LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan – Pormal nang binuksan nu’ng Lunes (March 6) ang ikatlong Malasakit Center dito sa nasabing lalalawigan sa bagong pasinaya na Ospital ng Lungsod ng San Jose Del Monte na nasa barangay Bagong Buhay sa lungsod na ito.

Pinangunahan ni Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ang pagpapasinaya nitong Malasakit Center na pang 156 na sa buong Pilipinas.
Isa itong one-stop shop kung saan matatagpuan sa iisang opisina ang Philippine Charity Sweepstakes Office o PSCO, Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth, Department of Social Welfare and Development o DSWD at ang Department of Health o DOH.

Maglalagay din dito ng pwesto ang Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ng Department of Migrant Worker o DMW.

Naitatag ang Malasakit Center bilang isang institusyon sa bisa ng Republic Act 11463 upang magkaroon ng iisang puntahan ang mga mahihirap na pasyente at pamilya nito upang mailapit ang iba’t ibang kahilingan sa tulong medikal at maging sa suplay ng gamot.

Ayon kay San Jose Del Monte City Mayor Arthur Robes, matatagpuan ang Malasakit Center sa ikalawang palapag ng bagong tayo na expanded building ng Ospital ng Lungsod ng San Jose Del Monte.

Ito’y upang mas maging madaling mapuntahan ng mga pasyenteng naka-confined dito at maging ng mga hindi naka-confine na tagalungsod pati na ng mga mahihirap na naninirahan sa kalapit na mga bayan.

Nagpasadya ang pamahalaang lungsod ng isang partikular na espasyo sa expansion project nitong ospital upang paglagyan ng Malasakit Center. Sinabi naman ni Dr. Erbe Bugay, isang general surgery at chief hospital nitong Ospital ng Lungsod ng San Jose Del Monte, makikinabang dito ang halos nasa isang milyong populasyon ng lungsod.

Apat na palapag ang bagong tayo na expansion project ng Ospital ng Lungsod ng San Jose Del Monte kung saan nasa P50 milyon ang ginugol ng pamahalaang lungsod.

Sinabi ni Ronnel Castro RN, development management officer ng DOH-Bulacan, nasa P12 milyon naman ang naiambag para sa proyekto mula sa Health Facility Enhancement Program o HFEP ng DOH.

Dahil sa pagpapalaki nitong ospital, nadagdagan ng inisyal na 28 ang bed capacity mula sa dating 95 na kapasidad. Tugon ito sa patuloy na dumaraming pasyenteng nako-confined na umaabot sa mahigit 200 na katao.
Nagsisilbing central supply at record offices ang basement habang nasa ikalawang palapag ang lobby kung saan matatagpuan ang Malasakit Center. Nandito rin ang OB, Clinical Laboratory, Extraction Area, Radiologist, X-Ray, Newborn Screening, Blood Station at ang administration.

Sa ikatlong palapag naman inilagak ang mga ward para sa mga pasyenteng may Dengue, may problema sa Respiratory, Acute Gastroenteritis at ang Surgery Ward. Habang nasa ikaapat na palapag ang karamihan sa mga confinement facilities. (Unlinews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments