Ni Manny C. Dela Cruz
MARAMING Pilipino ang nagagalit sa mga Intsik lalo na sa mga tauhan ng Chinese Coast Guard na nanghaharas sa mga mangingisdang Pilipino at sa mga tauhan ng Chinese Coast Guard nabumobomba ng water cannon sa mga barkong Pilipino na nagsasagawa ng resupply mission sa mga sundalong naka istasyon sa BRP Sierra Madre, doon sa Ayungin Shoal.
Sino ba naman ang matutuwa sa mga Intsik na pilit na inaangkin ang mga lugar na sakop ng ating 200 miles exclusive economic zone. Tinayuan na nga nila ng mga artipisyal na isla ang mga bahura at mababaw na mga buhanginan sa karagatang sakop ng ating territoryo ay hindi pa rin tumitigil ang mga Intsik sa ginagawang pambu-bully sa ating mga mangingisda, maging sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard at mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)
Nitong mga nagdaang araw ay ibinalita rin ng mga Intsik sa kanilang state media ang banta na huhulihin daw nila ang mga mangingisdang Pinoy na papasok sa lugar na kanilang inaangkin, partikular sa Scarborough Shoal. Mabuti na lamang at matibay ang panindigan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., at hindi napasisindak sa banta ng China.
Maging si Defense Secretary Gilbert Teodoro, ay matigas din ang kanyang paninindigan na kaylanman ay hindi tayo kayang takutin ng mga Intsik. Tama naman na maging matapang tayo at huwag paduduro sa mga Intsik kaya maraming Pinoy ang nagsasabi na panahon na para huwag tangkilinin ang mga produktong gawang China subalit sinasabi na hindi gayon kadali ang pagboykot sa Chinese products mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaking bagay tulad ng track at heavy equipment machines.
Kung ang mga ekonomista ang tatanungin ay hindi nila masasagot ng biglaan ang tanong na iboboykot ang Chinese products sa lahat ng pamilihan sa ating bansa at kung gagawin umano ang nasabing hakbang ay pag-isipan munang mabuti ng ating mga pinuno bago gumawa ng marahas na hakbang. Alamin din naman munang mabuti kung ano-anong mga produkto ang nasa ating mga pamilihan at kung saan-saang bansa galing
Ang mga damit na ating sinusuot ang mga kagamitang pang bahay, mga gamit sa kusina. Yung sombrero at helmet na ating sinusuot baka gawang Tsina ang mga yan. Ang mga food products tulad ng bihon, sotanghon, mga condiments mga kagamitang sa carpentry, electrical tools, ang mga tools na gamit sa sasakyan, cellphones, computers, laptops at mga electronic gadgets at electronic appliances, saan ba gawa ang mga iyan?
Kahit nga katol, insects spray, halos lahat ng mga hazardous na produkto tulad ng laruan ng mga bata, gamot, gamit pampaganda, bag, pagkain, at marami pang iba ay nagmumula China. At kung ibo-boykot umano natin ang mga produktong Tsina, narito ang mga bagay na maaaring mangyari: Posibleng mababawasan ang unsafe products sa merkado. Siyempre pa, mababawasan ang income ng Tsina mula sa kanilang export at hindi umano maganda iyon sa kanilang ekonomiya. Isa pa, kapag humina ang income ng Tsina, malaking kabawasan iyon sa kanilang military funds.
Kapag nabawasan ng malaki ang mga panindang Tsino sa merkado, sisigla ang ekonomiya ng Pilipinas dahil tangkilikin na ng mga Pinoy mga lokal na produkto at kapag made in the Philippines products ang binili at kapag lumakas ang produktong Pinoy sa local market ay dadami ang trabaho dahil ang kasunod nito ay ang paglakas ng industriya ng manupaktura, industriya ng agrikultura. Maging ang transportation at tourism industries ay sisigla at ang lundo nito ay mababawasan ang unemployment sa ating bansa kapag naging mas maunlad ang mga lokal nating negosyante
Ayon sa mga lokal na namumuhunan, kapag maunlad na ang local business at mabuksan ang magandang oportunidad para sa small entrepreneurs ay magkakaroon ito ng domino effects tulad ng paglago ng employment at kapag malago ang empleyo, lalakas ang purchasing power para sa mga mamamayan at maging ang buwis sa gobyerno ay madadagdagan at ang magandang dulot nito ay mas maraming proyektong imprastraktura at serbisyo publiko ang mapapakinabang ng pamahalaan.
Ayon sa ilang negosyante na nakapanayam ng UnliNews, kailangan anila na sa mga opisyal ng gobyerno manggaling ang inisyatiba ng pagboykot sa mga produktong Tsino dahil kapag sila ang nanguna sa hakbang na iyan ay susunod na rin marahil ang mga mamamayan ng Pilipinas. Kung ito ay unang gagawin ng mga opisyal at ng mga kawani ng pamahalaan ay tiyak umanong susunod sa kanila ang taumbayan lalo na ang mga Pilipino ng galit sa China dahil sa ginagawang pambu-bully sa mga Pilipino.
Sa ganitong paraan lamang maipapadama sa mga Chinese ang pagkakaisa ng mga Pilipino. Kung aanalisahin umano ng mga mamamayan ng buong mundo na matagal ng naka-penetrate sa mga tahanan ng mga Pilipino at sa iba pang mga nasyon ang mga Tsino sa pamamagitan ng kanilang mga gawang produkto na patuloy na tinatangkilik ng buong mundo, partikular ang sambayanang Pilipino.
Hinahangaan ng mga Pilipino ang mga produkto ng Japan, USA, Germany at iba pa dahil sa mataas na kalidad, Pero hindi naman naka-penetrate nang husto sa ating local market ang mga produkto ng nasabing mga bansa dahil mataas ang halaga at iyan ang nakitang oportunidad ng mga Chinese manufacturers. Gumawa sila ng mga produktong mababa ang halaga pero napakababa naman ang kalidad — madaling masira kaya panalong lagi sila sa pamilihan.
Bakit hindi subukang huwag tangkilikin ang mga mumurahing produkto ng bansang mapam-bully tingnan lang natin kung hindi manghina ang kanilang ekonomiya. Pero sa tanggapin man natin o hindi, ang China pa rin ang nananatiling largest partner ng Pilipinas sa aspeto ng importasyon at eksportasyon at pangatlo naman sa larangan ng foreign investment. (UnliNews Online)