Thursday, September 19, 2024
Amana Water Park
HomeRegional NewsArmy nanawagan sa mga CTG na magbalik loob na sa pamahalaan

Army nanawagan sa mga CTG na magbalik loob na sa pamahalaan

LUNGSOD NG CABANATUAN — Nanawagan si 703rd Infantry Brigade (703rd IB) Commander Brigadier General Joseph Norwin Pasamonte sa mga natitirang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) na sumuko at tanggapin ang mga oportunidad na ipinagkakaloob ng pamahalaan para makapagsimula ng panibagong buhay.

Ito ay matapos ang nangyaring engkuwentro sa pagitan ng mga kasundaluhan ng 84th Infantry Battalion (84th IB) at miyembro ng Komiteng Rehiyong Gitnang Luzon sa Barangay Malbang, Pantabangan, Nueva Ecija noong hapon ng Hunyo 26, na nagresulta sa pagkasawi ng nasa pitong miyembro ng CTG.

“Labis akong nalulungkot na mayroon tayong kababayang Pilipino na namatay dahil sa panloloko ng CTG. Maiiwasan natin ang pagkawala ng mga buhay kung ang natitirang mga miyembro ay makakasama natin sa mainstream society. Nandito kami na handang ipagtanggol ang ating mga kababayan na ang nais lamang ay kapayapaan at katiwasayan,” pahayag ni Pasamonte.

Samantala ay kaniyang iniuugnay ang tagumpay ng operasyon mula sa aktibong pagtulong ng mamamayan at komunidad ng Pantabangan sa mga kasundaluhan sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa kanilang lugar.

“Ang aktibong kooperasyon ng komunidad ay may malaking epekto sa mga resulta ng operasyong ito. Ang kanilang buong suporta sa hukbo ay nagbibigay daan sa mas makabuluhang kapayapaan at seguridad sa mga lugar na ating nasasakupan,” dagdag na mensahe ni Pasamonte.

Kaniyang tinitiyak na patuloy tutupad sa sinumpaang tungkulin ang mga kasundaluhan sa pagpapanatili ng kapayapaan na kanilang pinagsusumikapan sa loob ng maraming taon.

Sa nangyaring engkuwentro ay narekober ng mga kasundaluhan ang tatlong M14 rifle, anim na M16 rifle, isang M16 na may M203 attached rifle, isang low-powered firearm, mga dokumento at personal na kagamitan ng mga miyembro ng CTG.

Binigyang linaw naman ni 84th IB Commanding Officer Lieutenant Colonel Jerald Reyes na kanilang hinanap ang kinaroroonan nitong mga miyembro ng CTG bilang bahagi ng hot pursuit operation ng yunit, matapos silang magdulot ng takot sa mga residente ng Alfonso Castañeda sa Nueva Vizcaya.

“Napigilan po natin ang kanilang planong maibalik ang kanilang impluwensiya sa komunidad gamit ang pananakot. Sa katunayan ay hinabol namin ang mga ito galing Aurora papuntang Nueva Vizcaya at ngayon dito sa Nueva Ecija. Kaya naman po lubos ang aming pasalamat sa mga mamamayan sa kanilang suporta sa mga kasundaluhan,” sinabi ni Reyes.

Samantala ay nilinaw ni Pantabangan Mayor Roberto Agdipa na hindi isasailalim sa lockdown ang bayan, gayundin ay patuloy na nakabantay ang mga kasundaluhan, kapulisan, coast guard, lokal na pamahalaan at iba pang awtoridad para sa kaligtasan ng mga mamamayan sa buong munisipyo.

Kaniyang ipinanawagan sa lahat ng mga kababayan na maging mapanuri sa mga kahina-hinalang impormasyon at agad itong na ipagbigay alam sa tanggapan o sa mga awtoridad upang mabigyang linaw.

Patuloy naman ang isinasagawang hot pursuit operations ng mga kasundaluhan matapos ang naging sagupaan upang masiguro ang seguridad sa mga komunidad laban sa banta ng mga teroristang grupo.

Source: Camille C. Nagaño/PIA 3

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments