PANDI– Alinsunod sa sabay-sabay na groundbreaking at pagpapasinaya ng mga Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing (4PH) Program sa lalawigan ng Bulacan noong Miyerkules (April 19), pinangunahan ni Mayor Rico Roque at Vice Mayor Lui Sebastin ang groundbreaking ceremony ng Pandi Terraces.
Birtwal na dinaluhan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr, ang groundbreaking ceremony ng 4,050 yunit na Pandi Terraces na matatagpuan sa Brgy. Bagong Barrio, Pandi.
Ayon kay Roque, mapalad ang bayan ng Pandi na mapabilang sa dalawang syudad (Malolos at San Jose Del Monte) at apat na munisipalidad (Pandi, San Rafael, Guiguinto at Pulilan) sa lalawigan ng Bulacan na unang magkakaroon ng pabahay para sa mga mamamayan sa kani-kanilang bayan na walang sariling bahay.
“Ito ay bunga ng matiyagang pakikipag-usap sa mga kinauukulan ay nagkaroon ng katuparan ang pangarap ng 4,500 Pamilyang Pandieño na magkaroon ng sariling disenteng tahanan. Ito ay para sa mga kababayan nating nagtatrabaho na kung minsan ay hindi na sumasapat ang kita dahil ito ay nauuwi na lang sa pambayad nila sa upa sa kanilang kasalukuyang tinitirhan,” anang ng alkalde.
Nagpasalamat naman si Mayor Roque kay Pangulong Bongbong Marcos sa pagtugon n’ya sa pangarap para sa Pamilyang Pandieño. (UnliNews Online)