MATAPOS na ibasura ng korte ang kasong rape laban kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico Roque at 2 iba pa, rumesbak naman ang alkalde at naghain ng kontra-demanda noong Biyernes (April 4) sa Caloocan Regional Trial Court (RTC) Branch 121 laban sa mga taong may gawa nito na nais dungisan ang kanyang pagkatao at public image.
Ayon kay Mayor Rico, sinampahan niya umano ng mga kasong perjury at falsification of public or official document sina “Mikaela” Mariano y Buico o Jane Doe, nasa hustong gulang at residente ng No. 1097 Langit Road, Barangay 188, Bagong Silang Caloocan at isang John Does.
Sa kanyang complaint-affidavit, sinabi ng alkalde na maling nirepresenta ng respondent ang kanyang sarili bilang biktima ng panggagahasa, at nagpresenta ng mga pekeng pampubliko at opisyal na dokumento bilang dapat na ebidensya na sumusuporta sa kanyang claim. Kabilang sa mga dokumentong binanggit ay: (a) isang Endorsement to Conduct Medical Examination na may petsang 07 April 2019, at (b) isang Medico-Legal Certificate na may petsang 10 April 2019.
Ang respondent na si Mikaela, ay nagsinungaling sa pamamagitan ng paggawa ng mga maling pahayag sa kabuuan ng kanyang reklamo.
“Ang mga paratang na ginawa ni Mikaela ay lubusang pinabulaanan ng maraming piraso ng ebidensya, malinaw na nagpapatunay na ang kanyang mga paghahabol ay walang anumang makatotohanang batayan,” ani Roque.
Iginiit ni Mayor Rico na hindi lamang peke ang mga dokumentong ito kundi sadyang ginamit para siraan ang kanyang pangalan at reputasyon, gayundin para maling idawit ang dalawa pang indibidwal.
“Ito ay hindi lamang pag-atake sa aking pagkatao,” pahayag ni Mayor Rico, “kundi isang matinding pang-aabuso sa sistema ng ating hustisya”.
Matatandaang noong nakaraang Pebrero 25, 2025, ibinasura ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 121 ang mga gawa-gawang kaso ng panggagahasa laban kina Mayor Roque, Councilor Reynaldo Roxas at Rogelio Raymundo.
Base sa naging resolusyon ng RTC Caloocan Branch 121 sa pagbabasura ng naturang kaso, iginiit dito na (1) hindi kailanman nagpakita ang umano’y nagrereklamo sa kabila ng bigat ng kaso; (2) ang panahon kung saan iniimbestigahan ang kaso ay higit sa limang taon, nang walang follow-up mula sa nagrereklamo; (3) lumilitaw na mali ang address na ibinigay sa form ng data ng pagsisiyasat; at (4) ang kalakip na medico-legal na sertipiko ay lumilitaw na gawa-gawa.
Naninindigan si Mayor Roque na ang kasong isinampa laban sa kanya ay hindi lamang gawa-gawa kundi politically motivated din, at isang malisyosong pag-atake sa kanyang pagkatao at reputasyon.
Samantala sinabi ni Atty. Joji Alonso, legal counsel ng alkalde, ang mga tagasuporta at malalapit na kaalyado nito ay nagsama-sama para makalikom ng reward fund o pabuya na may kabuuang P2,000,000.
Ang halagang ito umano ay igagawad sa sinumang indibidwal na makapagbibigay ng konkretong impormasyon at kilalanin ang tao o mga taong responsable sa pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa alkalde at dalawang iba pa. (UnliNews Online)