BALIWAG CITY, Bulacan — Arestado ang isang babae sa isinagawang hot pursuit operation ng Baliwag City Police Station kaugnay ng isang “budol-budol” o estafa incident sa DRT Highway, Barangay Pinagbarilan, noong Sabado (Setyembre 19).
Nadakip ang suspek bandang alas-3 ng hapon matapos ang mabilis na follow-up operation ng mga pulis. Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa suspek.
Kinilala ang naarestong suspek bilang si alias Ana at residente ng Brgy. Malabañas, Angeles City, Pampanga, habang ang kanyang kasabwat na si alyas Mar ay patuloy na pinaghahanap.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Esibon L. Llamasares, Chief of Police ng Baliwag City Police Station, base sa salaysay ng biktima, naglalakad ito patungo sa kanyang sakahan nang huminto sa kanyang tabi ang isang Honda CR-V. Nilapitan siya ng mga suspek at nagpanggap na kakilala ng kanyang kapatid at sinabing magbibigay umano sila ng US$200 bilang sorpresa.
Hiniling ng mga suspek sa biktima na ilabas ang kanyang dalang pera na nagkakahalaga ng P30,000, na umano’y pagsasamahin nila sa US$200 bilang “good-luck charm.”
Matapos maibigay ng biktima ang kanyang pera, inutusan siyang tumalikod habang inilalagay umano ang pera sa kanyang bulsa. Nang suriin ng biktima ang laman ng kanyang bulsa, natuklasan niyang isang bundle lamang ng papel ang inilagay sa halip na kanyang pera.
Agad na humingi ng tulong sa Baliwag City Police Station ang biktima. Dahil dito, nagsagawa kaagad ng hot pursuit operation ang mga operatiba ng Baliwag City PNP na nagresulta sa pagkakaaresto kay alias Ana. Patuloy naman ang paghahanap sa kanyang kasabwat na si alias Mar.
Patuloy ang imbestigasyon at kaukulang dokumentasyon ng Investigation Section ng Baliwag City Police Station para sa pagsasampa ng nararapat na reklamo laban sa mga suspek. (UnliNews Online)

