Friday, April 17, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsPamilyang Obandenyo na apektado ng nasunog na landfill sa Navotas, tumanggap ng...

Pamilyang Obandenyo na apektado ng nasunog na landfill sa Navotas, tumanggap ng tulong

Nina Verna Santos at Allan Casipit

LUNGSOD NG MALOLOS — Kasunod ng malawakang pagkalat ng usok bunsod ng malaking sunog na sumiklab sa isang waste disposal site sa Lungsod ng Navotas, umabot na sa 115 pamilyang apektado mula sa isla ng Brgy. Salambao sa Obando, Bulacan ang nailikas nitong Martes (Abril 14), at pinagkalooban ng tulong mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.

Nagsagawa ang Pamahalaang Panlalawigan Bulacan ng masusing monitoring sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office at nagbigay ng paunang tulong sa mga biktima, kabilang ang mga emergency kit, bigas, at tulong pinansiyal sa 347 indibidwal na tumutuloy sa evacuation center sa Obando National High School sa Brgy. Paliwas.

Bagama’t kontrolado na ang nasabing sunog, sinabi ng Bureau of Fire Protection na ang makapal na usok mula sa lugar ay lalong nagpalala sa kalidad ng hangin sa ilang bahagi ng Metro Manila at Central Luzon, kabilang ang nasabing barangay.

Nakatanggap din ang mga residente ng mga kahon ng N95 face masks mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office upang maprotektahan ang kanilang sarili laban sa mga panganib sa kalusugan na dulot ng exposure sa smog.

Ibinahagi naman ni Rosalina Tayson Crisostomo, isang 57-anyos na may-ari ng sari-sari store mula sa Salambao, ang kaniyang karanasan sa insidente at kung paano nito naapektuhan ang kanilang kabuhayan.

“Noong una may naamoy kami na mabaho, pagkatapos nu’n naglaon meron nang sumisiklab. Tapos nu’n lumakas na ‘yung apoy at kumapal na ‘yung usok,” aniya.

“Ngayon ho, wala kaming kabuhayan ngayon dito. Meron mang nahuhuli e matumal naman ho ngayon dahil ‘yung tubig at ‘yung mga isda, nakekemikal nga raw ho ngayon.”

Si Crisostomo at ang kaniyang pamilya ay nananatili sa evacuation center mula pa noong madaling araw ng Sabado, Abril 11, ilang oras matapos lamunin ng apoy ang 41-ektaryang Navotas Sanitary Landfill noong Abril 10 bandang alas-8:00 ng gabi.

Dahil sa patuloy na epekto ng makapal na usok sa kanilang isla at pananatili sa evacuation center, sinabi ni Crisostomo na ang kanilang maliit na sari-sari store—na tanging pinagkukunan ng kabuhayan ng kanilang pamilya—ay nananatiling sarado at hindi na kayang tustusan ang kanilang mga pangangailangan.

Ipinahayag naman ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kaniyang pagdamay sa mga residente at tiniyak ang patuloy na suporta ng kaniyang administrasyon.

“Lahat po tayo [lalo sa panahong gaya nito] ay dapat magtulung-tulong, kasabay pa ng napakataas na presyo ng mga bilihin at gasolina. Panahon ito para magdamayan at iangat ang bawat isa. Kaya asahan ninyo po ang tuluy-tuloy na pag-aabot ng kamay ng ating Pamahalaang Panlalawigan para sa inyo hanggang sa malagpasan na natin ang pagsubok na ito,” aniya.

Samantala, pinag-aaralan na ng Department of Environment and Natural Resources Environmental Management Bureau sa National Capital Region ang pagsasampa ng kasong kriminal, sibil, at administratibo laban sa Philippine Ecology Systems Corporation o PhilEco, ang dating operator ng nasabing landfill. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News