CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang labing-lima na indibidwal na sangkot sa iligal na droga sa magkahiwalay na buy-bust operations na isinagawa ng Bulacan PPO nitong Mayo 4 at 5, 2026.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Reyson M. Bagain, Hepe ng SJDM CPS, isang hinihinalang tulak ng iligal na droga ang naaresto ng mga operatiba ng San Jose Del Monte CPS sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Sta. Cruz 4, CSJDM, Bulacan noong Mayo 4, 2026.
Kinilala ang naarestong suspek bilang isang 48-anyos na babae na kabilang sa Street Level Individual target ng pulisya. Dakong alas-8:12 ng gabi nang magsagawa ng anti-illegal drug operation ang mga operatiba ng CDEU, SJDM CPS sa Matulungin St., Brgy. Sta. Cruz 4, SJDM City, Bulacan, na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek matapos nitong bentahan ng hinihinalang shabu ang isang police poseur buyer kapalit ng marked money.
Sa isinagawang body search, narekober mula sa suspek ang marked money at tatlong karagdagang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na limang gramo na may tinatayang humigit-kumulang na P34,000.00.
Samantala, ayon sa ulat na isinumite ng mga Chief of Police ng Meycauayan at Malolos CPS, Pandi, Plaridel, Norzagaray, Hagonoy, San Miguel, at Paombong MPS, magkahiwalay na drug-bust operations na isinagawa ng kani-kanilang Station Drug Enforcement Units na nagresulta sa pagkakaaresto ng 14 drug pushers at pagkakasabat ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 23 gramo at may tinatayang halaga na P156,400.00, kasama ang buy-bust money.
Ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa Bulacan Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri, habang inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na isasampa laban sa mga suspek. (UnliNews Online)

