MAY isang mambabasa na nagkwento ng mga nakakagalit na karanasan — na parang nararanasan na rin ng marami sa atin.
Isang beses, nag-order siya ng mga buto ng gulay… pero pagdating, mga pebbles o maliliit na bato ang ipinadala, imbes na punlang napagkasunduan!
Sa isa pa, bumili siya ng selyadong wireless CCTV camera — hindi mo raw mabubuksan hanggang hindi nababayaran. Pagkabayad at pagbukas, basang pambura lang o wet wipes ang laman!
May isa pa: kumpletong lababo set ang ibinenta sa tiyak na presyo. Pero pagdating ng padala, mas mataas na halaga ang hinihingi ng tagahatid — hindi ibibigay hanggang hindi nababayaran.
Nang magbayad na, kulang naman ang laman! Wala ‘yung mga bahaging kasama dapat sa usapan. At mula noon, hindi na sumasagot ang nagbenta kahit magtanong-tanong pa.
Hindi lang ito iilang kaso — paulit-ulit na talaga ang ganitong panlilinlang! Kaya para ligtas tayo: I-screenshot palagi ang litrato ng paninda at napagkasunduang presyo bago ka pumayag bumili.
Suriin muna ang padala sa harap ng tagahatid bago ka magbayad.
Kung ayaw patingnan ang laman na iyung inorder — may karapatan kang tanggihan!
Dapat kung ano ang usapan, ‘yun din ang matatanggap natin. Walang dagdag na bayad, walang palit na paninda, walang kulang-kulang.
Manatili tayong mapagmatyag, magtulungan tayo na isiwalat ang mga ganitong panlilinlang, at igiit na maging patas sa bawat transaksyon! (UnliNews Online)

