Sunday, July 12, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsEveryday milk, kain sa mga mag-aaral ng public school, tiniyak ni PBBM

Everyday milk, kain sa mga mag-aaral ng public school, tiniyak ni PBBM

PULILAN, Bulacan — Mabubura na ang bilang ng mga batang kulang sa timbang ngayong tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang araw-araw na pagkakaloob ng mga masusustansiyang pagkain, at pagpapainom ng magandang klase ng gatas sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.

Ito’y kasunod ng ginanap na National Kick-Off ng School-Based Feeding Program at ng Milk Feeding Program kung saan ginawang pilot area ang Pulilan Central School sa Bulacan.

Ayon sa pangulo, wala nang pipiliin sa pagpapakain ng mga bata dahil magiging saklaw na nito lahat ng mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 1 habang tutukuyin ang mga batang may mababang nutrisyon sa Grade 2 hanggang Grade 6 upang maprayoridad na mapakain.

Binigyang diin ni Pangulong Marcos na napatunayan sa mga pag-aaral sa buong mundo na malaki ang kontribusyon sa mabilis na pagkakatuto ng bata ang pagiging busog at may malusog na pangangatawan.

Bukod sa masusustansiyang pagkain, sasabayan ito ng pagpapainom ng gatas.

Kaya naman ipinahayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na habang natitiyak na nakakainom ng bago, malinis, at dekalidad na gatas ang mga mag-aaral, nagbubukas din ito ng malaking oportunidad para sa mga magsasaka na nasa sektor ng paghahayupan.

Magkakaroon aniya ng tiyak na merkado kaya’t mahihikayat sila na mas paramihin ang kanilang mga kalabaw upang higit na mapalakas ang produksiyon ng mga gatas.

Para sa tuluy-tuloy na pagpapatupad ng programa na alinsunod sa Republic Act 11037 o Masustansiyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act, magkasamang nilagdaan nina Secretary Laurel at Education Secretary Sonny Angara ang isang Joint Administrative Order, kung saan isa sa mga pangunahing probisyon ang katiyakan sa suplay ng mga produktong agrikultural mula sa bigas, karne, prutas, gulay, at gatas.

Iniulat ni Secretary Angara na may halagang P26 bilyon ang inilaan ng administrasyon ni Pangulong Marcos para sa School-Based Feeding Program ngayong 2026.

Iba pa rito ang P3 bilyon para sa Milk Feeding Program.

Samantala, ikinagalak naman ni Pangulong Marcos na isinasama sa mga feeding program sa mga pampublikong paaralan sa Bulacan ang NutriBun na binuhay ng Department of Science and Technology noong 2021.

Unang ipinakilala ang NutriBun ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. bilang pangunahing programang pang nutrisyon.

Matatandaan na kalakip ang unang NutriBun sa mga itinaguyod nang itatag nito ang National Nutrition Council noong 1974. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News