CITY OF MEYCAUAYAN — Isang buntis ang tinulungan ng mga operatiba ng Meycuayan PNP na makapanganak ng ligtas sa loob ng isang mobile patrol car sa kabila ng kasagsagan ng lakas ng buhos ulan at mabilis na pagtaas ng tubig baha nu’ng Linggo (Agosto 30).
Base sa ulat, bandang ala-1 ng madaling araw, habang abala na tumutulong sa trapiko ang mga pulis malapit sa tulay ng Brgy. Banga, agad nilapitan ang isang lalaki na humihingi ng agarang tulong para sa kanyang asawa na malapit nang manganak.
Dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig baha at bihira na ang dumadaan na sasakyan, hindi na nagdalawang isip ang mga pulis at isinakay ang mag-asawa sa kanilang patrol vehicle patungong ospital.
Ngunit bago pa man sila makaalis sa naturang lugar, aksidenteng napaanak na ang babae.
Ang mga rumespondeng tauhan ng pulisya, kasama ang kanyang asawa, ay walang pag-aalinlangan na tumulong sa panganganak at sinigurong ligtas ang bata sa loob ng naturang patrol car.
Pagdating sa ospital, agad na binigyan ng medikal na atensyon ang ina at ang bagong silang na sanggol at naiulat na nasa matatag na kondisyon.
Pinuri ni Lt. Col. Melvin M. Florida Jr., Hepe ng Pulisya ng Lungsod ng Meycauayan, ang kanyang mga operatiba para sa kanilang mabilis na pagtugon at dedikasyon, na binanggit na ang kanilang pakikiramay at dedikasyon sa tungkulin ay nagsiguro sa kaligtasan ng parehong buhay sa kabila ng mga hamong dulot ng bagyo. (UnliNews Online)

