Saturday, August 1, 2026
Amana Water Park
HomeRegional NewsCentral Luzon UnliNewsBiyaya ng LGSF, SCPF ibinaba ni PBBM sa Pampanga

Biyaya ng LGSF, SCPF ibinaba ni PBBM sa Pampanga

CLARK FREEPORT ZONE (PIA) — Diretsong ibinaba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga mamamayan ng Pampanga ang mga biyayang pang-edukasyon, pagkain at proyekyong pangkaunlaran sa bawat barangay na pinondohan ng Local Government Support Fund (LGSF) at Socio Civic Project Fund (SCPF).

Pangunahin na rito ang pagkakaloob ng tig-P20,000 halaga ng scholarship grant sa may 2,525 na mga mag-aaral sa ilalim ng SCPF mula sa Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas.

May inisyal na 400 na mga mag-aaral ang personal na kinamusta ni PBBM sa kanilang pagtitipon na ginanap sa picnic grounds ng Clark Freeport Zone.

Binigyang diin ni Marcos sa mga iskolar na seryosohin ang pag-aaral dahil sila ang susunod na hahawak, mangangasiwa, at mamumuno ng Pilipinas.

Kaya naman lalo aniyang pinalaki ang pamumuhunan ng kanyang administrasyon sa kabataan upang tunay na maiangat ang kabuhayan ng karaniwang Pilipino.

Ang nasabing pondo na kaloob ng Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas ay nakalakip sa SCPF na inilaan sa bawat barangay.

May 505 na mga barangay sa lalawigan ng Pampanga at 33 sa lungsod ng Angeles na isang highly-urbanized city, ang nakatanggap tig-P200,000 mula kay Pangulong Marcos na may kabuuang P107.6 milyon.

Sa loob ng nasabing halaga, P100,000 ang inilaan sa pagbibigay ng scholarship grant sa kani-kanilang mga barangay habang ang isa pang P100,000 ay para sa mga barangay-identified development priority projects.

Ayon kay Mark Santos ng Magalang, Pampanga na nag-aaral sa Holy Angel University Foundation sa Lungsod ng Angeles, malaking tulong ito sa kanyang paghakbang para matupad ang pangarap na maging isang Certified Public Accountant.
Para naman sa pagpapatupad ng mga programang pinondohan ng P286 milyon mula sa 2026 LGSF ng Pampanga, bahagi nito ang inilaan sa pamamahagi ng Bagong Pilipinas Rice.

Unang pinagkalooban ang may 1,500 na mga katutubong Aeta na nagkakanlong sa loob at paligid ng Clark Freeport Zone.

Mayroon pang 6,613 na mga bibigyan ding mga katutubo sa iba’t ibang lugar ng lalawigan.

Bahagi sila ng nasa 187,455 na mga prayoridad na benepisyaryo. Kinabibilangan ito ng 8,962 na mga persons with disabilities; 4,690 na mga pasyenteng may cancer; 4,302 na isinasailalim sa dialysis; 3,476 na mga pasyenteng inaalagaan ang kalagayang pangsikolohikal; 40 na kasalukuyang nagpapa chemotheraphy dahil sa leukemia; 11 na nagpa liver transplant; 25, 871 sa mga taga dalampasigan ng Pampanga; 11, 710 na mga Bantay Bayan; 3,151 na mga magsasaka; 8,151 na mga solo parents; 1,500 na mga nangangalakal; at 8,000 na mga Nanay Community Workers.

Iba pa rito ang 17,477 na mga nasa kategoryang ‘poorest of the poor’; 53,031 na mga construction workers; 28,352 na mga kasambahay; at 2,118 na mga gasoline station attendant.

Samantala, ibinalita naman ni Pampanga Governor Lilia Pineda kay Pangulong Marcos ang mga ipinundar ng pamahalaang panlalawigan sa tulong ng LGSF.

Noong 2023, ibinili ng 21 units ng mga ambulansiya ang P49.9 milyong LGSF. Isang Diagnostic Building naman ipinatayo sa bayan ng Lubao sa tulong ng P50 milyong LGSF noong 2024.

Iba pa rito P10 milyon para sa Assistance to Indigent Individuals or Families – Educational Assistance. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News