CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Nasabat ng mga operatiba ng Bulakan Municipal Police Station (MPS) sa isang anti-criminality checkpoint operation ang mga smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng P204,000 sa Barangay San Nicolas, Bulakan, Bulacan nu’ng Martes ng hapon (Mayo 19).
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Lynelle F. Solomon, Chief of Police ng Bulakan MPS, kinilala ang naarestong suspek na si alias JC, 25 taong gulang at residente ng Paombong, Bulacan. Naaresto ang suspek matapos mapara ng mga pulis ang minamaneho nitong traysikel para sa beripikasyon sa checkpoint operation.
Sa isinagawang inspeksyon, nabigong makapagpakita ang suspek ng kanyang driver’s license at rehistro ng motorsiklo. Napansin ng mga pulis ang isang bukas na kahon na naglalaman ng mga kaha ng sigarilyo na kalaunan ay natuklasang mga smuggled cigarettes.
Agad na kinumpiska ng mga awtoridad ang kabuuang 200 reams ng smuggled cigarettes na may tinatayang market value na umaabot sa Php 204,000.00. Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act at RA 12022.
Muling pinaalala ni P/Col. Jay B. Baybayan, Officer-In-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, patuloy na paiigtingin ng Bulacan PPO ang mga checkpoint operation at kampanya laban sa smuggling at iba pang ilegal na aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa buong lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

