CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang dalawang sangkot sa iligal na droga, kabilang ang isang High Value Individual (HVI), ng mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit ng San Jose del Monte City Police Station sa isinagawang buy-bust operation sa Purok 6, Blk-71, Lot 29, Brgy. Bagong Buhay 1, CSJDM, Bulacan nu’ng Huwebes ng umaga (Mayo 21).
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Reyson M. Bagain, Hepe ng SJDM CPS, kinilala ang mga naarestong suspek na sina Alyas Legwak, 42 anyos, at Alyas JD, 35 anyos, isang High Value Individual, kapwa residente ng City of San Jose Del Monte, Bulacan.
Base sa ulat, nagsagawa ng anti-illegal drug operation ang mga operatiba ng SJDM CPS na nagresulta ito sa pagkakaaresto sa mga suspek matapos bentahan ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ang poseur buyer kapalit ng marked money.
Sa isinagawang protective search, nakumpiska mula sa mga suspek ang apat na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, ang ginamit na marked money, isang kalibre .38 revolver na may markang ARMSCOR 202 Caliber .38 SPD” na may serial number na 1000052, at limang pirasong bala ng kalibre .38 mula kay Alyas Legwak.
Tinatayang may kabuuang bigat na humigit-kumulang 110 gramo ang nakuhang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P748,000.00.
Mahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (UnliNews Online)

