LUNGSOD NG MALOLOS — Nasa 500 benepisyaryo na pawang Malolenyong magsasaka ang nabigyan ng tulong ng programang LAWA at BINHI ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Miyerkules (July 15) na ginanap sa Victory Church sa nabanggit na lungsod
Saklaw ng payout, na nagkakahalaga ng P11,400 ang 20-day garden-planting program na may layuning bigyang-tulong ang mga magsasaka sa kanilang ikabubuhay at magbigay ng kaalaman tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng sariling ani na maaari rin nilang kainin.
Bilang bahagi ng kanilang Cash-for-Work, nagsagawa ang mga benepisyaryo ng iba’t ibang gawaing pangkomunidad na may kaugnayan sa pangangalaga sa kapaligiran at sa kabuhayan. Kabilang dito ang pagtatanim ng iba’t ibang gulay at pagtatatag ng mga communal garden o sama-samang taniman ng komunidad.
Samantala, sa ilalim ng Cash-for-Training, dumalo ang mga benepisyaryo sa mga pagsasanay na may kaugnayan sa proyekto. Kasama rin sa mga naging paksa ang mga praktikal na kasanayan para sa pangmatagalan at matatag na kabuhayan na angkop sa hamon ng pagbabago ng klima.
Naging matagumpay ang pagpapatupad ng gawain sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at ng City Agriculture Office (CAO).
Nagbigay naman ng kanyang pagbati si Pastor Jemar Labausa ng Victory Church Malolos sa mga magsasaka. Aniya, lubos na nalulugod ang kanilang kongregasyon na makibahagi sa nasabing programa at ipagamit ang kanilang bulwagan bilang venue nito. (UnliNews Online)
Source: Malolos City Infomation Office

