LUNGSOD NG MALOLOS, Bulaan — “Nawa’y pag-alabin natin ang ating pagmamahal sa bayan at ang ating determinasyon na maging tunay na mga bayani sa ating mga gawain at pagkilos. Isabuhay natin ang kanyang mga aral at adhikain upang patuloy na magningning ang kanyang diwa sa bawat isa sa atin.”
Ito ang mensahe ni Gobernador Daniel R. Fernando sa isinagawang komemorasyon ng ika-162 anibersaryo ng kapanganakan ng Pambansang Bayani ng Pilipinas na si Gat. Jose Rizal na ginanap sa NHCP Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas, Casa Real sa lungsod na ito Lunes ng umaga.
Sinamahan si Fernando ni Bise Gobernador Alexis C. Castro, Malolos City Vice Mayor Miguel Alberto T. Bautista, at Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office Department Head Dr. Eliseo S. Dela Cruz.
Pinaalalahanan din ni Fernando ang mga Bulakenyo tungkol sa mga kabayanihan ni Rizal at para pagnilayan at ipagpatuloy nila ang kahanga-hangang pamana ni Rizal sa bansa.
“Sa kanyang kabayanihan, hinamon tayo ni Gat. Jose Rizal na patuloy na magsikap para sa pag-unlad at pagkakaisa ng ating lalawigan. Ngayon, hinihikayat ko ang bawat Bulakenyo na samantalahin ang diwa ng pagiging bayani sa ating mga sarili. Magpamalas tayo ng katapangan, husay, at malasakit sa bawat gawain at adhikain na ating pinaglilingkuran,” ani Fernando.
Si Dr. Jose Rizal ay hinangaan sa kanyang mga makabansang sulatin at gawain at napaslang noong Disyembre 30, 1896 ng pamahalaang kolonyal ng Espanya. (UnliNews Online)