Monday, July 15, 2024
Amana Water Park
HomeProvincial NewsHigit 8K pamilya makikinabang sa proyektong pabahay sa Pampanga

Higit 8K pamilya makikinabang sa proyektong pabahay sa Pampanga

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Higit sa 8,000 pamilya ang inaasahang makikinabang sa proyektong pabahay na itatayo sa 9.8 ektaryang lupa sa barangay Del Carmen sa lungsod ng San Fernando sa Pampanga.

Inilahad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na masusing pinagplanuhan ang lokasyon, pasilidad at detalye ng Crystal Peak Estates na may 8,352 yunit at 30 gusali.

Sa kanyang mensahe sa isinagawang site inspection, ibinida ni Marcos na ang mga yunit ay may sapat na paradahan ng mga sasakyan, at malapit sa mga eskwelahan, ospital, pamilihan at iba pang mga recreational facilities.

Aniya, kabilang din sa mga isinaalang-alang sa Crystal Peak Estates ang pagbibigay ng matiwasay na komunidad para sa mga target na benepisyaryo kabilang ang mga Overseas Filipino Workers, empleyado ng lokal na pamahalaan, guro, pulis at sundalo.

Ayon kay Marcos, siniguro niya na aabot sa lungsod ng San Fernando ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) Program upang mas maraming pamilyang Pilipino pa ang matutulungan ng komportable, abot-kaya at ligtas na pabahay ng pamahalaan.

Bilang prayoridad na programa ng administrasyong Marcos, tuluy-tuloy ang pagpapalawig sa 4PH sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang lokal na pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno sa buong bansa.

Layunin ng 4PH na magpatayo ng isang milyong pabahay kada taon hanggang matapos ang anim na taong termino ng kasalukuyang Pangulo upang solusyunan ang problema ng kakulangan sa pabahay sa bansa.

Samantala, pinasalamatan ni Marcos ang Department of Human Settlements and Urban Development at lokal na pamahalaan para sa kanilang suporta sa proyektong pabahay.

Kinilala rin niya ang Social Housing Finance Corporation at mga nasa pribadong sektor na umagapay para sa katuparan ng mga programa ng pamahalaan gaya ng 4PH.

Source: PIA 3

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments