Friday, March 21, 2025
Amana Water Park
HomeNational NewsEntry at exit ramps sa makasaysayang Corregidor Island, ilalagay sa Bataan-Cavite Interlink...

Entry at exit ramps sa makasaysayang Corregidor Island, ilalagay sa Bataan-Cavite Interlink Bridge

MARIVELES, Bataan — Magkakaroon ng partikular na entry at exit ramp na derecho sa isla ng Corregidor ang proyektong Bataan-Cavite Interlink Bridge.

Base sa presentasyon ni Department of Public Works and Highways o DPWH Secretary Manuel Bonoan kay Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr., bahagi ng ginawang detailed engineering design at geotechnical investigation ng ahensiya, ang pagtatambak sa tabi ng silangang bahagi ng isla upang magkaroon ng entry at exit ramps.

Magsisilbi itong rotonda sa ilalim ng Bataan-Cavite Interlink Bridge kung saan ikakabit ang nasabing mga rampa. Kapag natapos ang bahaging ito ng tulay, ang mga sasakyan na mula sa Bataan na patungo sa isla ng Corregidor ay maaaring bumaba sa entry ramp na nasa southbound lane nitong interlink bridge.

Nasa southbound lane rin o sa direksiyon na patungong Cavite ang exit ramp mula sa isla ng Corregidor.

Habang ang mga sasakyan na mula sa Naic, Cavite na pupunta sa nasabing isla ay makakababa sa entry ramp na nasa northbound lane ng Bataan-Cavite Interlink Bridge. Sa bahaging ito rin matatagpuan ang exit ramp mula sa isla patungo sa peninsula ng Bataan.

Sa kasalukuyan, sumasakay pa ng ferry boats ang mga turista na pumupunta sa isla ng Corregidor mula sa bahagi ng Manila Bay sa lungsod ng Pasay na umaabot sa dalawang oras.

Kapag natapos ang proyekto, ayon kay DPWH Senior Undersecretary for Flagship Projects Engr. Emil Kiram Sadain, mararating ang isla ng Corregidor sa pamamagitan ng pagdaan sa Bataan-Cavite Interlink Bridge sa loob lamang ng 30 minuto mula sa Bataan at 32 minuto mula sa Cavite.

Mayaman sa kasaysayan ang isla ng Corregidor dahil sa istratehikong lokasyon nito sa Manila. Nagsilbi itong customs inspection site ng mga Kastila noong panahon ng Kalakalang Galyon mula 1565 hanggang 1815.

Dito naman nagtuos ang mga Kastila at mga Ingles upang mabawi ang pagkakasakop ng Kingdom of Spain sa Pilipinas. Sa panahon ng British Occupation of Manila, saglit na napasakamay ng United Kingdom ang Pilipinas mula sa Kingdom of Spain noong taong 1762 hanggang 1764.

Nang maging kolonya ng United States ang Pilipinas noong 1902, ginawa nilang military reservation at convalescent hospital ang isla ng Corregidor.

Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dito inilikas ang sentro ng Pamahalaang Commonwealth sa ilalim ni Pangulong Quezon mula Disyembre 1941 hanggang sa bumagsak ito sa kamay ng mga hapon noong Mayo 6, 1942.

Makalipas ng halos apat na taon o noong 1945, muling nabawi ng mga sundalong Pilipino at Amerikano na kasapi ng United States Armed Forces in the Far East o USAFFE ang isla ng Corregidor sa mga Hapon.

Kaugnay nito, sinabi ni Gobernador Jose Enrique ‘Joet’ Garcia na magsisilbing game changer at instrumento ng revolutionized development sa lalawigan ng Bataan ang pagsasakatuparan nitong proyekto.

Samantala, hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga Pilipino na suportahan at ituring na pag-aari ang lahat ng mga proyekto at programa na isinusulong ng administrasyon bilang pamumuhunan sa susunod na henerasyon at sa kinabukasan ng bansa. Pinondohan ang proyekto sa tulong ng Asian Development Bank o ADB sa halagang P175.7 bilyon na target matapos sa taong 2028. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments